Mail & More kontra Toyota

 

Laro ngayon:

3:00 p.m. --- Mail and More vs Toyota Balintawak (playoff for second twice-to-beat incentive)

Pag-aagawan na ng Toyota Balintawak at Mail and More sa isang play off ang pinakahuling twice-to-beat advantage sa quarterfinals ngayon sa 2008 PBL V-Go Extreme Energy Drink Cup sa The Arena sa San Juan.

Sa ikatlong pagkakataon ay magbabanggaan muli ang Roadkings at Comets sa nag-iisang engkuwentrong magaganap sa alas-tres ng hapon.

Nawala sa kamay ng Toyota Roadkings ang pagkakataon na siguruhin na ang nasabing incentive, nang durugin sila ng nasipa na sa kontensyong Bacchus Energy Drink, 71-51, habang ang Comets naman ay nakapuwersa ng playoff nang sagasaan nila ang Pharex, 75-70, na kapwa naganap noong Huwebes, kung saan tinapos ng dalawang koponan ang pool round na may parehong 5-5 win-loss cards.

Sa katunayan ay ngayon na rin ang simula ng kanilang best-of-three series, dahil sila rin ang magtatapat sa quarters. Ang iba pang quarterfinal pairing ay sa pagitan ng No. 3 San Mig Coffee kontra No. 6 Pharex.

Tinalo ng Roadkings ang Mail and More Comets, 78-66, sa huli nilkang pagkikita ngunit hindi pa rin nagpapakampante si coach Ariel Vanguardia.

"It’s going to be a close call again," pahayag naman ni Comets coach Allan Gregorio, na muling aasa kina Marcy Arellano, Khiel Misa, Jason Ballesteros, Kelvin Gregorio, Mark Baracael at dating pro na si Abby Santos.

Ang Toyota naman ay sasandal sa kanilang La Salle connection na sina JV Casio at Pocholo Villanueva, katuwang sina veteran Erwin Sta. Maria, JP Jazul, Brian Faundo at Erick Rodriguez.

<BACK