"GABAY NG DIYOS"

At sinabi sa kaniya, Ingatan mong huwag sabihin sa kanino mang tao ang anoman: kundi yumaon ka, at pakita ka sa saserdote, at maghandog ka sa pagkalinis sa iyo ng mga bagay na ipinag-utos ni Moises, na bilang isang patotoo sa kanila.

MARK 1:44

www.abante-tonite.com

CURFEW: PRAKTIS NG MARTIAL LAW!

 Ulat ng ABANTE REPORTORIAL TEAM

PATI SI BISHOP

Pansamantalang pinalaya kahapon ng pulisya ang arestadong si Infanta, Quezon Bishop Emeritus Julio Labayen, 81, upang ipa-kustodya sa CBCP habang inihahanda ang kaso laban dito dahil sa pakikibahagi sa aksyon ni Sen. Trillanes kamakalawa. (Mike Perez)  

Sa hindi inaasahang deklarasyon ng ‘curfew’ ng Malacañang kamakalawa ng gabi, iisang katanungan ang naglaro sa isip ng Simbahang Katoliko, ng media organizations, business sector, ng mga mambabatas at ng mga karaniwang tao: Martial Law na ba?

"Yesterday and last night (Thursday), the people hold-in at Peninsula Manila Had a ‘foretaste’ of what Martial Law could be. God save us from the worse!," ani Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) president Jaro, Iloilo Archbishop Angel Lagdameo.

Pinalagan din ni Philippine Press Institute (PPI) chairman at Malaya publisher Amado Macasaet ang panggigipit maging sa mga miyembro ng media na nagkober ng hotel siege kamakalawa sa pagsasabing, "We object to this undisguised martial law practice."

Sa panig ni Makati Business Club (MBC) executive director Albert Lim, naniniwala itong nagdulot ng takot sa publiko, higit sa mga investors, ang idineklarang ‘curfew’ ng Malacañang sa pangambang magbibigay-daan na ito sa pagbabalik ng Martial Law sa bansa.

Wala umanong dudang may negatibong epekto ito sa mga mamumuhunan na ngayo’y nag-aagam-agam na sa seguridad ng Pilipinas. Ang implimentasyon umano ng limang oras na ‘curfew’ at pag-aresto sa mediamen matapos ang Makati hotel stand-off ay pagpapakita ng ‘dictatorial tendencies’ ng kasalukuyang pamahalaan.

Kahapon ay nagpahayag din ng pangamba si Labor Sec. Arturo Brion na magdulot ng negatibong epekto sa magbabalik-bayang mga overseas Filipino workers (OFWs) ang nangyaring kaguluhan sa Manila Peninsula kamakalawa. Posible umanong magdalawang-isip na ngayon ang mga ito na umuwi sa bansa dahil sa kawalan ng seguridad.

Mula sa Senado, mariing kinondena ni Senate President Manny Villar ang pagpapairal ng ‘curfew’ at malinaw umanong sinusubukan ng palasyo ang pulso ng taumbayan hinggil sa posibleng pagdedeklara ng Martial Law.

"Hindi kami sumasang-ayon sa paraan na kanyang (Trillanes) ginamit subalit hindi naman ako sumasang-ayon sa sagot ng ating pamahalaan. Naniniwala akong masyado namang sobra ang sagot ng ating pamahalaan," diin ni Villar.

"Nakakanerbiyos, nakakakaba na baka ito’y tine-test lamang nila kung hanggang saan ang legal na puwede nilang gawin sa mga bagay na ito. Kung natatandaan n’yo itong curfew ay noon pang Martial Law naranasan iyan at ayaw nating maranasan natin uli iyan," dagdag pa nito sa pulong balitaan sa Manila Hotel kahapon.

Kinastigo rin ni Sen. Mar Roxas ang ipinairal na ‘curfew’ dahil sa labag umano ito sa Konstitusyon bukod pa sa nagpalala ito sa masamang imahe ng ating bansa.

Naniniwala naman si Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero na ang ipinairal na ‘curfew’ ay isang "scare tactic" lamang ng administrasyong Arroyo sa posible nilang gawin sa magtatangkang umagaw sa kapangyarihan ng gobyerno.

Aniya, alam na ng Malacañang na walang legal na basehan ang ipinairal nilang ‘curfew’ dahil ang tunay nilang layunin ay takutin lamang ang mga taong nagbabanta sa kanilang administrasyon.

"I am not cowed and we should not be cowed by this scare tactic," diin pa ni Escudero.

Nais namang malaman ni Senate minority leader Aquilino Pimentel Jr. kung sino ang opisyal na nagrekomenda sa Pangulo ng ‘curfew’ upang sa gayon ay mapanagot ito sa batas.

Kahapon ay agad na ring binawi ng Malacañang ang ‘curfew’ sa pagsasabing balik na umano sa normal ang lahat.

Ngunit para kay Bayan Muna partylist Rep. Teddy Casino, hindi puwedeng palampasin ang ilegal at unconstitutional curfew kahit pa agad din itong inalis.

"The imposition of a curfew is downright unconstitutional because there is no law that allows the impairment of a person’s right to travel. The curfew is also meant to test the resistance of the people towards more evil schemes of the Arroyo regime that wants to impose more fascist measures to muffle all opposition and extend its stay in power," ani Casino.

Maging ang pag-aresto sa mga miyembro ng media ay tahasang kinondena ni Casino na isa umanong malinaw na paglabag sa freedom of expression.

Sa panig ni Gabriela Rep. Liza Maza, sinabi nitong ang pagpapatupad ng ‘curfew’ kamakalawa ng gabi ay isang malinaw na pagpapakita ng pamahalaang Arroyo ng dictatorial powers at hindi umano ito dapat payagan ng taumbayan.

"This curfew combined with the public and blatant detention and vilification of media people, sends a chilling effect which has no place in a democratic society," diin naman ni CIBAC partylist Rep. Joel Villanueva.

Gentleman sila - hotel off’l

Sa kabila ng pinsalang tinamo sa ilang oras na pagkukuta sa kanila ng grupo nina Sen. Antonio Trillanes at Gen. Danilo Lim, kasama ang iba pang nililitis na Magdalo officers, napuri pa rin ng opisyal ng Manila Peninsula ang senador at ang heneral.

"To be fair, ‘di naman sila nag-abuso ng hotel namin. They were very gentlemanly in their act. They did not bother our staff and they did not bother our guests," pahayag kahapon ni Mariano Garchitorena, public relations manager ng naturang hotel.

Nakatakdang magbalik-operasyon ang hotel sa Lunes, Disyembre 3, matapos ang gagawing paglilinis at pagkumpuni sa mga nasirang bahagi matapos pasukin ng armnored personnel carrier (APC) ang lobby nito.

Agad namang itinuro ni (Sergio) Apostol si Trillanes na siya umanong dapat magbayad sa mga pinsalang tinamo ng hotel dahil sa ginawa nilang pagkubkob dito.

Kaso na naman

Isang panibagong kasong rebelyon naman ang isinampa kahapon ng pulisya laban sa grupong nagkanlong kamakalawa sa Manila Peninsula.Dakong alas-otso kagabi nang pormal na i-inquest sina Trillanes, Lim at 49 iba pa.

Kabilang din sa mga kinasuhan, ayon kay Justice Sec. Raul Gonzalez ay sina dating Vice President Teofisto Guingona Jr., Infanta, Quezon Bishop Emeritus Julio Labayen at ilang sibilyan.

Iniimbestigahan din ang mga tumayong security escorts ng grupo upang madetermina kung sino sa mga ito ang bumaligtad at sumama sa pag-aalsa ng grupo sa halip na pumigil sa ilegal na pagkilos ng mga akusado.

Agad namang umapela ang CBCP para palayain si Labayen bilang konsiderasyon umano sa edad nito na 81 at pagkakaroon ng mga sakit.

Reporma ‘di dahas

"Ang karahasan ay isang kanser na umaapekto sa buhay ng bansang ito. Kailangan nating alisin ito sa ating sistema," ayon kay Heal the Nation spokesman Dr. Ismael Mercado sa isinagawang walk-for-a-cause.

Isang pambansang organisasyon ng mga medical practitioner na kinabibilangan ng solid block ng Philippine Medical Association, Solid Bloc of Cavite at Philippine Academy of Medical Specialists ang humiling kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na simulan ang moral reformation. (IACruz/TMendoza/BJadulco/EPrado/JB Salarzon/NMarasigan/GVelasco/RMiranda)

<BACK