|
Maraming pinatunayan
kamakalawa si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa taumbayan.
Una, na hindi talaga
ito bibitaw sa kinakapitang kapangyarihan, ano man ang mangyari.
At dahil kakapit
talaga ito sa puwesto sa ayaw at sa gusto ng taumbayan, ikalawa
nitong pinatunayan ay handa niyang sikilin maging ang media para
lamang maprotektahan ang kanyang trono.
Ang dalawang
pruwebang ito ay minsan nang ipinakita ng Pangulo nang ilagay nito
sa ‘state of national emergency’ ang Pilipinas noong Pebrero
2006 kasabay ng pagsalakay sa The Daily Tribune at paglalatag ng ‘guidelines’
sa mga mamamahayag.
Ngunit may isang
bagong alas ni Arroyo na matagumpay na napalutang ni Sen. Antonio
Trillanes IV sa kanyang hotel siege kamakalawa, at ito ay ang
kahandaang gayahin ang estratehiya ni yumaong diktador Ferdinand
Marcos.
Tunay na marami ang
nagimbal sa pagpapairal ng ‘curfew’ kamakalawa. Ang ‘curfew’
kasi ay isang madilim na kahapong bahagi ng Martial Law ni Marcos.
Maaaring walang ideya ang kasalukuyang henerasyon kung ano ito pero
buhay na buhay ang kwento at alaala ng kanilang mga magulang sa
napakapangit na bahaging ito ng kasaysayan ng Pilipinas.
Kung kayang maglatag
at magpatupad ng ‘curfew’ ni Pangulong Arroyo nang walang
karampatang dokumentong magle-legitimize ng aksyon (kailangan kasi’y
may kaakibat itong isang executive order), ano pa ang hindi niya
kayang gawin?
Sa isang iglap,
ipinakita ng pamahalaang ito na may kakayahan itong muling buhayin
ang Martial Law kung kanyang gugustuhin. Mas mabuti pa nga siguro
noon, dahil abogado ang yumaong diktador at nasa legal at
konstitusyunal na basehan ang bawat hakbang. Ngunit ngayon ay ni
walang papel na sinasandalan ang utos na ‘curfew’. Kahit pa
sandali lang ito at binawi rin agad, may kuwestyon sa legalidad nito.
Ang basa ng mga
political analysts, hindi people power o pagpapabagsak sa
pamahalaang Arroyo ang layunin ni Trillanes kamakalawa sa pagkubkob
sa Manila Peninsula kundi nais nitong itulak ang Pangulo para ilatag
ang kanyang mga kartada. Layunin nito na ipalantad sa publiko kung
hanggang ano at saan ang kayang gawin ng Pangulo para lamang kumapit
sa kapangyarihan.
At masasabi umanong
nagtagumpay si Trillanes sa kanyang misyon. Pumasok sa kanyang bitag
ang Pangulo at inilatag ang ‘curfew’ na sa paningin ng marami ay
isang patikim na Martial Law.
Hangga’t may panahon pa tayo, ‘wag
nating payagan ang pagbabalik ng madilim na karanasan. Hangga’t
hawak pa natin ang kalayaan, ‘wag tayong pumayag sa kasakiman ng
iilan na gagawin ang lahat - sukdulang muling patayin ang demokrasya
- manatili lamang sa kapangyarihan.
|