|
Dahil sa masangsang na amoy ay nadiskubre ang bangkay ng 74-anyos na lalaki na umano’y pinaslang at inilibing sa silong ng bahay ng kanyang asawa sa bayan ng Nabua, Camarines Sur.
Agnas na nang madiskubre at mahukay kamakalawa ng hapon sa may kababawang hukay ang bangkay ng biktimang si Crespin Hesita, 74, sa silong ng kanilang bahay sa Barangay Paluyon ng nasabing bayan.
Samantala, ang umano’y suspek sa pamamaslang ay ang kanyang asawang si Leonor Hesita, 62-anyos.
Sa ginawang imbestigasyon ni PO1 Jose Reguador, may hawak ng kaso, noong nakaraang Martes ng gabi, Agosto 24, ay nag-away ang mag-asawa sa loob ng kanilang bahay dahil sa hindi pa mabatid na dahilan.
Kinaumagahan ay hindi na umano nakita ng mga kapitbahay ang biktima at tanging sinasabi lang ng asawang babae ay lumayas na dahil wala naman umano itong pakinabang.
Subalit kamakalawa ay bigla na lang umalingasaw ang isang masangsang na amoy sa paligid at dahil sa hindi na makatiis ang mga kapitbahay ay kanilang hinanap ang pinagmulan nito at nang kanilang hukayin ay laking gulat nila nang tumambad ang naagnas na bangkay ng biktima.
Samantala, ayaw namang magsalita ng suspek kung paano niya pinatay ang kanyang asawa at tanging inamin lang nito ay siya ang naglibing sa bangkay nito.
Inihahanda na ng pulisya ang kasong parricide laban sa suspek. |