 |
Halos wala nang magalawan ang mga evacuees na nasunugan sa Navotas West na pansamantalang nagkakanlong sa covered court sa tabi ng Navotas City Hall. Ilan sa mga ito ay nagkakasakit na kaya’t inaapura na rin ang paglilipat sa kanila sa San Rafael Village ng naturang lungsod. (Rusty Roman)
|
Nagpalabas kahapon ng gag order ang Department of Justice (DOJ) sa isinasagawang imbestigasyon sa madugong hostage drama upang maiwasan na umano ang kalituhan at lumalabas na mali-maling impormasyon na maaaring makadagdag pa sa sama ng loob sa Hong Kong.
Ang gag order ay ipinalabas ni Justice Sec. Leila de Lima na siya ring pinuno ng Incident Investigation and Review Committee kung saan saklaw ng kautusan ang Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Interior and Local Government (DILG).
Maliban sa nasabing mga ahensya ay hindi rin pinahihintulutang magbigay ng anumang update tungkol sa kaso ang mga kalihim ng pamahalaan. Layon umano nito na maingatan ang takbo ng imbestigasyon.
Bagama’t may gag order tiniyak ni De Lima na regular pa rin na mag-uulat ang DOJ hinggil sa isinasagawang imbestigasyon. Makabubuti umano na iisang ahensya na lamang ang nagbibigay ng updates upang maging malinaw ang mga impormasyon na ibinibigay sa publiko.
Aminado si De Lima na dahil sa magkakaibang pahayag ay nagkakaroon pa ng negatibong feedback na posibleng makadagdag sa sama ng loob ng mga kaanak at mahal sa buhay ng mga Hong Kong nationals na napatay sa hostage-taking.
Bilang pagtalima, inihayag kahapon ng PNP na hindi na nga sila magsasalita o magbibigay ng anumang impormasyon patungkol sa hostage bloodbath noong Agosto 23.
“Mas maganda na ‘yung isa na lang ang magsasalita for the whole incident…hindi na ako pwedeng magsalita…o mag-comment. Very strict ‘yung kanilang directive, anything about the hostage incident sa kanila manggagaling,” ani PNP spokesman Sr. Supt. Agrimero Cruz.
Aniya, ang tanging gagawin na lamang ng PNP ay gawin ang iaatas na imbestigasyon at ibigay sa mga kinauukulan ang resulta.
Kamakalawa ay sinabi ni Cruz na 65 na piraso ng basyo ng bala ng M-16, 59 piraso ang narekober sa loob ng bus at ang iba pa ay sa labas ng bus.
Sa 59 na piraso, isa rito ang sinusuri pa kung galing ito sa baril ng napatay na hostage-taker na si dating Senior Inspector Rolando Mendoza.
“Six were fired from one still unidentified M-16 rifle and one from another rifle,” ani Cruz.
Kaugnay nito, sinabi ni De Lima na pasok na sa isasagawang imbestigasyon sa hostage drama sa Quirino Grandstand ang Hong Kong authorities ngunit sa terminong inilatag ng Philippine authorities.
Ang isinasagawang imbestigasyon umano ng bansa ay inaasahang matatapos sa loob ng susunod na dalawa hanggang tatlong linggo at sa oras na maisumite na ang final report ay saka naman papasok sa imbestigasyon ang Hong Kong police.
Sa ngayon umano ay tanging inspeksyon sa Hong Kong Thai Travel tourist bus ang maaaring gawin ng Hong Kong police na maaari lamang isagawa kapag natapos na ng PNP-Scene of the Crime Operations (SOCO) at NBI ang bullet trajectory examination, reconstruction at iba pang pagsusuri sa bus.
Mula sa palasyo ng Malacañang, tiniyak din ni presidential spokesman Edwin Lacierda na ang lokal na awtoridad pa rin ang mayroong ‘primary jurisdiction’ sa ginagawang pagsisiyasat at nananatiling ‘observer’ ang status ng mga bisitang imbestigador.
|