|
Natagpuan na ang C-130 transport plane ng Philippine Airforce (PAF)
na bumagsak sa Davao Gulf kung saan ilang bahagi ng katawan ng pasahero
at eroplano na nagkapira-piraso ay namataang inaanod na sa dalampasigan.
Unang iniulat na nawawala kahapon ng madaling-araw ang dambuhalang
eroplano matapos na mawalan ng contact ilang minuto matapos lumipad
mula Davao International Airport dakong hating-gabi ng Lunes.
Kahapon ay natagpuan ng mga mangingisda ang ilang mga debris mula
sa C-130 kabilang na ang isang pares ng military boots, papeles
at manual ng eroplano at ilan piraso ng bangkay at bungo
ng tao.
Hindi pa mabatid kung may survivors sa pagbagsak ng lumang
eroplano subalit base sa senaryo’y pinaniniwalaang
nadale ang buong sakay rito.
Gayunman, sinabi ni PAF chief Lt. Gen. Pedrito Cadungog na patuloy
ang paghahanap sa eroplano sa karagatan.
“We are still verifying really as to what transpired
because this is something very unusual. The aircraft and the pilots
were all okay before take off and everything was normal until
that time,” ani Cadungog.
Nakilala ang mga piloto ng C130 na sina Capt. Adrian de Dios at
Major Manuel Sambrano at ang pitong crewmen na sina Sergeants Constantino
Lobregat, John Arriola, Gerry Delioso, Felix Pedro Patriarga, Petronilo
Fernandez, Patricio Claur Jr. at Sergeant Aldrin Ilustrisimo.
Patungo ang eroplano sa Iloilo upang sunduin ang mga miyembro ng
PSG matapos na bumisita roon si President Gloria Arroyo.
|