Ipinagharap ng kasong sedisyon ng Philippine
National Police (PNP) ang mga kumander at tauhan ng Abu Sayyaf
Group (ASG) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na sumalakay
sa Tipo-Tipo, Basilan kasabay ng eleksyon sa Autonomous Region
in Muslim Mindanao (ARMM) noong nakalipas na Agosto 11.
Sinabi ni Criminal Investigation and Detection
Group (CIDG) Regional Chief Jose Pante, inihain ang kaso laban sa
pitong MILF at ASG commanders at 200 tauhan sa Basilan
Prosecutor’s Office.
Inihahanda rin ng pulisya ang paghahain ng dalawang
kaso ng murder, multiple frustrated murder, arson at malicious mischief
laban sa naturang grupo.
Kabilang sa mga kinasuhan sina MILF Commanders
Hud Limaya, Dan Lacsaw, Said Asabi, Malat Sulaiman alyas Commander
Long at Abu Sayyaf Commanders Puruji Indama at Nurhassan Jamiri.
Magugunitang isang sundalo ang nasawi habang
apat pa ang nasugatan sa nasabing pagsalakay ng 300 rebelde
sa Tipo-Tipo.
|