Hindi na biro ang kontrobersyal sa plakang 8.
Paano ba namang hindi eh nasangkot ang manugang ng isang solon sa
isang road accident at ang siste ay may plakang 8 ang gamit nito
kahit na hindi naman ito miyembro ng Kamara.
Ang masaklap pa rito, kanya-kanya ngayong turuan
ang mga kongresista at Land Transportation Office (LTO). Todo-palag
ang mga solon nang akusahan silang nagbebenta ng plaka dahil dalawa
lang naman daw ang inire-release sa kanila at may nakalagay pang
‘district’.
Ibig
nilang tumbukin ay talamak ang bentahan ng pekeng plakang 8, at
walang ginagawang aksyon ang LTO hinggil sa anomalyang ito.
Pambihira, sila-sila na nga ang nakikinabang, ngayong nagkabulilyaso
at nagkabistuhan ay kanya-kanya namang linis ng pangalan.
Di nga ba’t sa mga ulat ay maraming traffic
accidents ang kinasasangkutan ng mga pulitikong gumagamit ng protocol
plates? Paanong hindi eh nagiging abusado nga ang gumagamit nito
dahil pakiramdam siguro nila’y hari na sila ng kalsada. Bukod
dito’y sinasabi pang ilang kongresista ang kumikita dito dahil
sa naibebenta nila ito sa malaking halaga.
Sana nama’y maging eye-opener na ito para
ipa-recall na lamang ang protocol o courtesy car plates ng mga kongresista,
senador, cabinet members hanggang bureau directors bunga ng pag-aabuso
sa pribilehiyong ito.
Ang dapat na lang sigurong magdala ng protocol
car plates ay ang Presidente, Bise-Presidente ng bansa at ang mga
ambassador ng mga dayuhang bansa dahil payabangan at pang-aabuso
na lang naman sa iba ang nangyayari, sa halip na sila ang maging
huwaran para pamarisan ng ordinaryong tsuper.
|