www.abante-tonite.com
 
 
 

Chariz, inirereklamo ng mga reporter!

(Jojo Gabinete)

 

Ipagdiriwang ni Ogie Alcasid sa susunod na buwan ang kanyang 20th year sa showbiz sa pamamagitan ng isang malaking concert.


Nang makausap namin si Ogie sa presscon ng Celebrity Duets Season 2, sinabi niya na ang gaganapin na concert ang magiging pinaka-memorable para sa kanya dahil dalawampu ang special guests niya at darating mula sa Australia sina Michelle van Eimeren at ang kanilang dalawang anak.


Nabigo ang entertainment press na tanungin si Ogie tungkol sa re-filing ng annulment case nila ni Michelle dahil nasa korte na ang kaso, pero naging generous siya sa pagkukuwento tungkol sa kanilang mga anak.


Hindi lamang ang 20th anniversary concert ang pagkakaabalahan ni Ogie. Magiging busy din siya sa pagpapasyal sa kanyang dalawang anak para ma-refresh ang mga isip nila tungkol sa bayan na sinilangan nila.


Mababait ang dalawang anak ni Ogie pero aminado ito na may mga pagkakataon na sinasaway niya ang mga bata.


Twenty years na si Ogie sa showbiz at para sa amin, isa siya sa mga down-to-earth, soft-spoken at mabuting showbiz personality na nakilala namin. Ni minsan, wala tayong nabalitaan na nakaaway niya o nasangkot siya sa gulo dahil likas ang kanyang kabutihan.


***


Kung may mga showbiz personality na katulad ni Ogie, meron din na hindi niya kagaya. Good example ang baguhang aktres na artista rin ang mga magulang.


Araw ng Biyernes nang magkita kami ng aktres sa isang presscon. One-on-one ang interview namin sa aktres.


Sa aming pag-uusap, ikinuwento niya ang mga nangyayari sa kanyang personal na buhay. Hindi siya naging maramot sa paglalahad ng kanyang mga nagdaan na karanasan.


The following week, Tuesday, muli kaming nagkita ng aktres at nang magtama ang aming pani­ngin, ngumiti kami sa kanya bilang pagbati.
Blangko ang kanyang mga mata. No trace of recognition or acknow­ledgement.


More or less, alam na namin ang mangyayari sa showbiz career ng baguhang aktres.


***


Kaliga ng baguhang aktres si Chariz Solomon na inirereklamo rin ng ibang mga reporter. Kilala raw sila ni Chariz kapag dumadalo ito sa mga presscon pero kapag nagkikita na sila sa ibang lugar, hindi na siya nakatatanda.


Tulad ng karanasan namin sa baguhang aktres, kinuwentuhan din sila ni Chariz ng mga malulungkot na karanasan nito kaya nakuha niya ang kanilang simpatiya.


Iba na ngayon ang pakiramdam ng mga reporter. Kulang sa sincerity ang baguhang comedienne kaya nawala na ang kanilang pakikisimpatiya sa kanyang malungkot na life story.


***


Magsisimula nga­yong hapon (1:00 to 2:00 p.m.)ang LOL o Laugh Out Loud, ang bagong radio program ng dzMM na tutuklas sa mga Pilipino na mahusay magpatawa.


Idea ni ABS-CBN president Charo Santos-Concio ang LOL para lalong gumaan ang pakikinig sa radyo sa kabila ng sunud-sunod na krisis na nararanasan ng ating bansa.


Thirty-six amateur comedians ang kasali sa LOL at kung magiging mapalad sila, malaki ang pagkakataon nila na ma­ging anchor ng mga talk at variety shows ng dzMM at ABS-CBN.


Ayon kay dzMM Station Manager Angelo Palmones, one year contract sa dzMM, P100,000 cash prize at Kabuhayan showcase ang mga premyo na naghihintay sa grand winner ng LOL.


Sa mga gustong su­mali, extended ang audition sa August 28 (10:00 a.m. to 2:00 p.m.) sa Studio 8 ng ABS-CBN. Bukas ang contest sa lahat ng mahilig magpatawa, 18 to 40 years old at hindi pa nagkakaroon ng TV exposure o kontrata. For more info, please call 415-2272 local 5659 and 5627.


***


Naglabas na ng statement ang spokesperson ng Puerto Rican singer na si Ricky Martin tungkol sa pagiging ama nito. Naka-post sa official website ni Ricky ang balita na proud father siya ng kambal na lalake na isinilang via gestational surrogacy.


Maligayang-maligaya raw si Ricky sa bagong chapter ng kanyang buhay. Nagpasya ang singer na mag-lie low muna hanggang katapusan ng taon para personal na alagaan ang kanyang mga bagong silang na anak.


Ayon sa Wikipedia, ang gestational surrogacy ay isang uri ng reproduction method kung saan pumapayag ang isang babae na ipagbuntis at isilang ang implanted embryo.


Hindi siya ang magpapalaki sa sanggol na ibibigay niya kaagad sa tao na kumontrata sa kanya.


Palaisipan sa mga tagahanga ni Ricky ang kanyang desisyon na mag-resort sa gestational surrogacy, gayong capable siya na maging ama sa pamamagitan ng normal na paraan.


***


Ang Waterfront Hotel sa Lahug, Cebu City ang venue ng 12th National Social Welfare and Development Forum ng Association of Local Social Welfare and Development Officers of the Philippines, Inc. (ALSWDOPI).


Gaganapin ito mula August 26 hanggang August 29, 2008 at pangungunahan ni Ernesto Montecillo, ang National President ng ALSWDOPI.


For this year, Relevant and Responsive Social Welfare and Development Practice in the Third Millennium Through Networking, Partnership and Social Advocacy ang forum theme.

 

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section