GABAY NG DIYOS

Isang sipa ang tinanggap ni Mary Antoinette Rivero ng Pilipinas mula sa kalabang si Sandra Saric ng Croatia sa preliminary match ng women’s teakwondo -67kg class sa Beijing Olympics. (AP)

Sa ika-3 sunod na Olympic Games
RP BOKYA!


BEIJING – Lugmok na tinapos ng Team Philippines ang kampanya sa Beijing Olympics, minalas na nalaglag lahat sa kani-kanilang event ang 15 atletang ipinadala ng bansa sa 29th Summer Games.


Kahapon ng umaga ay naglaho na ang kahuli-hulihang pag-asa ng sambayanan nang hindi makapag-deliver ang best bet sa taekwondo, at sa ikatlong sunod na edisyon ay uuwi ang Team Philippines na bokya sa anumang kulay ng medalya ng Olympics.


Nagmumuni-muni na ang 14 na teammates, naiwan kay taekwondo jin Mary Antoinette Rivero ang mabigat na responsibilidad na isalba ang Filipino squad mula sa pagkadismaya.


Pero minalas din ang 20-anyos na si Toni. Hindi niya kinaya ang tikas, galing at lakas ni Sandra Saric ng Croatia sa round of 16 bout ng women’s 67-kg class.


Lamog sa 4-1 kontra sa Croatian, bumaba ng lona si Toni na luhaan, habang nag-iisip ang mga sports officials kung saan sila kumabyos. At kung ano ang dahilan at hindi pa nadadagdagan ang dalawang silver at pitong bronze medals na nakuha sa Olympics sapul noong 1926, pinakahuli ang iniuwing silver ni Onyok Velasco matapos ang 1996 Atlanta Games.


Lalo pang nadagdagan ang dagok nang makaalpas din sa kamay ni Toni ang manipis na pag-asang maka-salvage ng bronze sa pamamagitan ng repechage matapos talunin ni top favorite at Athens bronze medalist Hwang Kyungseon ng South Korea si Saric, 3-1, sa quarterfinal match nila bandang hapon.


Sa harap ng matinding oposisyon, sa opening round pa lang ay isa-isa nang naglaglagan ang 15 Filipino athletes na nakarating ng Beijing matapos makalusot sa qualifying round o sa pamamagitan ng wild card.


“We’re proud of her performance. Deep down, she did her best. I told her to treasure this valuable experience,” ani taekwondo coach Rocky Samson.


Nagsimulang umiyak si Rivero habang naglalakad sa pasilyo ng Beijing University of Science and Technology patungo sa dugout.


“I don’t know, I don’t know,” tanging nasambit ni Toni nang hingan ng assessment niya sa nangyari.


Sa kanilang ikalawang pagtutuos, nailusot ni Saric ang tatlong mahahalagang puntos sa third at final round kabilang ang isang defensive kick sa dying seconds para itakas ang panalo sa harap ng 5,000 kataong nanood.


Pagkatapos ng scoreless first round, nagpang-abot agad sina Saric at Rivero nang ihudyat ni Korean referee Yu Myung-ok ang laban pero unang nakatsamba ang Croatian sa isang 45-degree kick sa dibdib ni Toni pero gumanti agad ang Filipina at nasapul sa body armor si Saric tungo sa 1-all.


Isang minuto pa sa third, inabot sa katawan si Toni at bago maubos ang oras ay pinakawalan ng 143-pound, 5-foot-9 Croatian ang isang defensive kick para lumayo sa 3-1.


“I fought a dangerous rival. So I have to be very careful,” ani Saric.


Mas mahaba ang legs at mas matangkad ng dalawa hanggang tatlong pulgada si Saric kay Toni, na tulad ng kapwa-jin na si Tshomlee Go ay dumaan sa matinding preparasyon para sa kanilang ikalawang Olympics.


“Yung preparation na ginawa ng dalawa eh parang dumaan sa impiyerno. So I can imagine the pain,” ani Samson.


“Talo. No excuses,” pahayag naman ni Philippine Taekwondo Association president Robert Aventajado, na sinamahan ang mga magulang at dalawang kapatid ni Toni sa panonood ng laban.


Sa 15 Filipino athletes na ipinadala sa Beijing, sina Rivero, Go at boxer Harry Tanamor lang ang inasahang makakapag-uwi ng medalya para sa bansa.

Ang 12 iba pa, sina shooter Eric Ang, divers Sheila Mae Perez at Ryan Fabriga archer Mark Javier, lifter Hidilyn Diaz, swimmers JB Walsh, Miguel Molina, Ryan Arabejo, Daniel Coakley at Christel Simms, at long jumpers Marestella Torres at Henry Dagmil ay hindi inasahang lulusot sa opening round.


 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section