Sino pa ang poprotekta sa OFWs?

 

Sumulak ang dugo namin sa pinakahuling requirement ng Department of Foreign Affairs (DFA) para sa mga pa-abroad na domestic helpers (DH): psychiatric test.


Sa paliwanag ni DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Esteban Conejos, kailangan daw matiyak ang estado ng kaisipan ng bawat mag-a-abroad na DH para matiyak na kaya nilang sumabak sa mga hirap at pang-aabuso sa iba­yong dagat nang hindi tinatakasan ng katinuan. Ito raw ang kanilang solusyon para mabawasan ang bilang ng mga Pinay DH na nakakapatay ng amo o nakakasuhan sa iba’t ibang krimen bunga ng pagkabaliw.


Ibig sabihin, kailangang matiyak ng gobyerno na matatag ang katinuan ng ating mga kababayang magtatrabaho sa abroad bilang DH para hindi sila bumigay sa mga pang-aabuso at pagmamaltrato roon. Sa madaling salita, tanggap ng pamahalaan ang ganitong klaseng trato sa mga kababayang DH at ang solusyon ay hindi putulin ang pang-aabuso kundi magpadala tayo ng mas matatatag na DH.


Ang lupit nito! Aba’y mukhang ang mga taga-DFA nga ang nangangailangan ng psychiatric test.


Unang-una, kabaliwan ang pagsasailalim sa mga kababayan sa psycho test gayong klaro na mayroong pinag-uugatan ang pagkabaliw ng mga kaawa-awang Pinay DH.


Kahit pa matino ang mga nagsisialis nating kababayan kung mamaltratuhin sila, gugutumin, gagahasain, sasaktan at ito-torture, hindi pasusuwelduhin at ikukulong na parang hayop, hindi ba sila mababaliw? Subukan kaya ng mga DFA officials natin na masadlak sa gayong sitwasyon, hindi kaya masiraan din sila ng ulo at makapatay ng amo kahit pa ilang libong psycho test ang maipasa nila?


Pangalawa, kabaliwan na ilusyunin nating may magagawa ang gobyerno para mabago ang sitwasyon dahil wala naman talaga tayong kontrol sa mga bansang ito. Isa pa, namamasukan ang ating mga kababayan sa dayuhang teritoryo bilang katulong kaya alipin ang trato sa kanila.

Kabaliwan kung hahanapan natin ng mataas na trato ang ating mga kababayan sa ganito kababang uri ng hanapbuhay, lalo na sa mga ‘unfriendly countries’ tulad ng sa Gitnang Silangan.


Pangatlo, kabaliwan na sa halip na ipagbawal na ang pagtungo ng mga Pinoy workers sa ganitong mga bansa ay ganitong hakbang pa ang iimbentuhin ng pamahalaan na isang tuwirang pagtanggap o paglunok sa masamang trato sa Pinay DH.


Pang-apat, kabaliwan at klarong pambobola ang pagtawag ng gobyerno sa mga OFWs, kasama ang mga Pinay DH, bilang mga modernong bayani habang patuloy silang isinusubo sa kapahamakan sa halip na protektahan.
Sino ngayon ang poprotekta sa ating mga OFWs sa ganitong takbo ng kaisipan ng mga opisyal na nagkukunwang public servant?

 

 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section