www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
GABAY NG DIYOS

PEACE NOT WAR
Nag-rally kahapon ang mga kababayang Muslim na ito sa labas ng kanilang mosque upang kondenahin ang bakbakan ng mga tropa ng pamahalaan at rebeldeng MILF sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao. (AP)

ULO MUNA NINA BRAVO AT KATO!
Bago bumalik sa peace talks
Nina REY MARFIL, BO-YET JADULCO, JB SALARZON, BERNARD TAGUINOD, NOEL ABUEL at ROSE MIRANDA

 

Kailangang isuko muna ng pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sina Kumander Umbra Kato at Kumander Bravo bago muling magharap sa isang panibagong negosasyon para isaa-yos ang naunsya­ming peace agreement.

Ito ang inirekomenda kahapon ni opposition Sen. Panfilo Lacson kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang kondisyon sa MILF bago muling umupo sa ‘renegotiation’ ng memorandum of agreement on ancestral domain (MOA-AD).


“Hanggang hindi isinusuko ng Central Command ng MILF sina Kato at Bravo, dapat lang na walang humpay na ope­rasyon ang isagawa ng AFP (Armed Forces of the Philippines) hanggang mapulbos at maubos ang mga teroristang miyembro nila,” diin ni Lacson.


Ito rin ang naging posisyon kahapon ni Senate President Manny Villar na nagsabing kailangang pulbusin muna ng AFP ang mga ‘pasaway’ na miyembro ng MILF bago simulan ang panibagong peace talks.


“All-out war tayo dapat doon sa mga gumawa noon kasi isang band iyon,” diin ng Senate leader. “Kailangang ayusin muna natin ang kapaligiran, nagkakagulo pa. Kapag tahimik na tsaka tayo kumilos,” dagdag pa nito.


Ngunit para kay Executive Sec. Eduardo Ermita, kailangan munang matigil ang bakbakan ng MILF at government troops bago simulan ang panibagong pag-uusap kaya’t hinirit nito ang pagpapairal ng ceasefire ng magkabilang panig.


Itinuwid din nito ang mga alegasyong magdedeklara ng all-out war ang pamahalaan laban sa MILF kasunod ng ginawang paglusob sa mga sibilyan sa tatlong lalawigan ng Mindanao. Ikinatwiran ni Ermita na isang ‘renegade group’ lamang sa ilalim ng dalawang kumander ang itinuturing na kaaway ng pamahalaan at hindi ang buong MILF.


Mistula namang sinang-ayunan ni Local Government Sec. Ronaldo Puno ang posisyon ni Lacson nang sabihin nitong kaila­ngang patunayan ng MILF leadership ang sinseridad nito sa peace process sa pamamagitan ng pagsuko sa pamahalaan nina Kumander Ameril Umbra Kato at Abdullah Saber Macapaar alyas Kumander Bravo.


“Kung totoong tapat ang liderato ng MILF, dapat na isuko na nila sa gobyerno ang mga kumander nito na pawang mga kilos terorista matapos ang panununog sa mga bahay at pagpatay sa mga inosenteng sibilyan na kapwa Kristiyano at Muslim,” anang kalihim.


Ngunit lantaran naman itong ibinasura ng pamunuan ng MILF. “Bakit namin sila (Kumander Kato at Bravo) isusuko? May sa­rili kaming internal justice para litisin sila kung sila man ay nagkasala sa mga sibilyan,” mariing sagot ni MILF chief negotiator Mohagher Iqbal.


Bilang reaksyon, sinabi ni Parañaque Rep. Roilo Golez na ang patuloy na pagtanggi ng pamunuan ng MILF na isuko sa pamahalaan ang dalawang kumander ay isa na namang panibagong paglabag sa peace process at sa mga inis­yal na kasunduang nabuo noong 2002 at 2003.


“Under that agreement, kung may hinahanap na criminal na nagtatago sa balwarte ng MILF, res­ponsibilidad nilang isuko. Pinaghahanap na ng batas sina Commander Bravo dahil sa ginawang krimen, dapat nilang isuko or else nilalabag nila ang accord na iyan,” ani Golez.


Kahapon ay pormal nang isinampa ang mga kasong murder, robbery-in-band at arson laban kay Kumander Bravo at 80 pang kasama sa provincial prosecutor’s office ng Lanao del Norte. Nauna nang kinasuhan si Kumander Kato ng Philippine National Police (PNP) ng 61 criminal cases kaugnay ng pangri-raid sa North Cotabato.


Samantala, iminungkahi naman kahapon ni Sen. Richard Gordon na idagdag sa kaso ng dalawang kumander at mga galamay nito ang paglabag sa Anti-Terrorism Law dahil malinaw naman umanong akto ng terorismo ang kanilang pananalakay sa sibilyang komunidad.


 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section