|
Tuwirang inamin kahapon ng Malacañang
na totoong plano nila na bumili ng dalawang second-hand jet na nagkakahalaga
ng P1.2 bilyon ngunit ito umano ay ipapamana sa magiging successor
ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo pagkatapos ng termino nito
sa 2010.
Ang pag-amin ay ginawa ni Presidential Adviser
on Economic Affairs Gary Olivar na nagsabi na kung tutuusin ay mas
makakatipid ang pamahalaan kung bibili ng jet dahil napakamahal
umano ng bayad sa mga commercial flights sa tuwing magbibiyahe ang
Pangulo ng bansa at ang delegasyon nito sa local o foreign
trips man.
Idinaing din ng Malacañang na madalas
masira at 50-taon na ang isa sa presidential aircraft na F-27 samantalang
ang isang F-28 ay 29 taon nang ginagamit.
Binara
Kaagad na binarahan ng mga senador at congressmen
ang planong pagbili ng dalawang presidential jet bilang service
sa out of town at foreign trips ni Pangulong Arroyo.
Ayon kina opposition Senator Francis ‘Chiz’
Escudero III at Senate pro-tempore Jose ‘Jinggoy’ Estrada
Jr., ang plano ni Mrs. Arroyo ay masyadong magarbo at hindi napapanahon.
Ani Estrada, chairman ng Senate committee on
labor, masyadong magastos ang pagbili ng bagong eroplano at
hindi aniya napapanahon ang ganitong hakbangin ni Mrs. Arroyo.
“No. magastos iyan at daming naghihirap.
Kung iyong kinain lang sa New York, magastos na,” kantiyaw
ni Estrada kay Mrs. Arroyo patungkol sa P1 milyong dinner sa
Le Cirque, isang French restaurant sa New York.
Sinabi naman ni Escudero na mas makakatipid
ang gobyerno kung sumakay sa commercial flight o magrenta ng eroplano
keysa bumili ng bagong P1.2 bilyong halaga ng presidential
jet.
Isa naman umanong pagwawaldas at pagpapakita
na masyadong maluho talaga ang Pangulong Arroyo.
Ayon kay Nueva Ecija party-list Rep. Edno Joson,
dapat hayaan na lamang ang susunod na president o mga future presidents
na bumili ng jet at hindi iyong mamadaliin nila ang pagbili nito.
“That’s unnecessary expense. Hindi
pa rin sila nadala sa batikos ng taong bayan. Pabayaan na ang
future presidents kung gusto nila iyan o hindi. Waldas talaga si
GMA,” ani Joson.
Ganito rin ang sinabi ni Kabataan party-list
Rep. Raymond Palatino kasabay ng pagsabing dapat mag-commercial
flight na lamang ang Pangulong Arroyo at mga susunod na pangulo
ng bansa sa kanilang mga biyahe.
May komisyon?
Hinala naman ni Gabriela party-list Rep.
Liza Maza, posibleng nangungumisyon lang ang mga taga-Malacañang
kaya pinipilit nilang bumili ng jet.
Sinabi naman ni Quirino Rep. Junie Cua, chairman
ng House committee on Appropriations na dadaan sa masusing pag-aaral
ng komite ang naturang panukala.
P2.7B sa trips
Sa kabilang dako, tumataginting na P2.7 bilyong
piso na ang nagastos ni Arroyo at ng kanyang delegasyon sa kanyang
mga biyahe mula taong 2003 hanggang 2008.
Ito ang ibinunyag kahapon ni Bukidnon Rep. Teofisto Guingona II
matapos makakuha ng records mula sa Commission on Audit (COA) na
nagsasabing lumagpas na ito sa allotted budget para sa kanyang mga
foreign trips na dapat P1.6 bilyon lamang sa nasabing period.
Base sa COA report na ginawa noong Agosto 12
ng taong ito, sinabi ni Guingona na nitong nakaraang taon 2008
lamang ay gumastos ang entourage ng Pangulong Arroyo ng P722 milyon
piso sa mga biyahe sa labas na bansa.
Aniya, lumalabas na P478 milyong ang isinobra
ng kanilang ginastos dahil ang allotted budget para sa kanyang foreign
travels noong 2008 ay P244 milyon lamang.
Napag-alaman din kay Guingona na nagawan ng
paraan ni Pangulong Arroyo at ng mga kaalyado nito na lusutan ang
sobrang paggastos sa pondo sa foreign trips nito sa pamamagitan
ng pagtago sa ‘contingent fund’.
Walang illegal
Tahasang sinabi kahapon ng Malacañang
na walang ilegal kung magkaroon man ng overspending sa foreign trips
ni Pangulong Arroyo.
Ayon kay Olivar, nakasaad naman sa Section 52
ng Appropriations Act na puwedeng lumampas ang gastusin ng Pangulo
ng bansa sa mga foreign trips basta’t para ito sa mga biglaang
gastusin sa maintenance at operating cases basta’t hindi umano
magagalaw ang confidential at intelligence funds.
Gayunpaman, itinatwa naman ng Malacañang
na may overspending sa foreign trip ni Pangulong Arroyo noong 2008
tulad nang ibinunyag ni Guingona base umano sa report ng Commission
on Audit (COA).
|