BEIJING (AP) --- Para kay Michael
Phelps, hindi sapat na maghulma lang ng bagong standard, kailangan
niyang burahin ang dati.
May mga kapwa atleta na ngang nagbibiro na galing siya sa ibang
planeta o ‘di kaya ay iniluwa ng time machine dahil sa ipinapakita
sa Beijing.
Dalawang ginto na ang lamang ni Phelps sa dating may hawak ng rekord
na winningest Olympian dahil may 11 na siya at hindi pa tapos ang
29th Summer Games.
Kahit nag-malfunction ang kanyang goggles sa unang race sa pagsisimula
ng kanyang golden day, kumampay pa rin ang 23-anyos na American
para sirain ang dating world record bagama’t masama pa ang
loob dahil naungusan niya lang ito ng six-hundredths of a second.
Kahapon ay lumangoy tungo sa puwesto niya sa kasaysayan bilang
win-
ningest Olympic athlete si Phelps sa pagsungkit
ng ika-10 at ika-11 career gold medals at limang world records sa
gayunding dami ng event sa Beijing Games.
Isang araw matapos tumabla kina Mark Spitz at Carl Lewis sa siyam
na gold, naka-ginto ulit si Phelps sa 200-m butterfly. Makalipas
ang isang oras, pinangunahan niya ang US sa 800 freestyle relay
team sa isa pang ginto.
Sa naitalang 6:58.56, winasak ng grupo ni Phelps ang dating record
na 7:03.24 na naihulma rin ng mga Amerikano sa world championships
noong nakaraang taon. Mahigit limang segundo sa likod ng US
team ang Russia para sa silver, at napunta ang bronze sa Australia.
Pagkatapos ng six-gold performance sa 2004 Athens Games, limang
araw lang ang kinailangan ni Phelps sa Beijing para lagpasan
bilang mga winningest Olympians sina Spitz, Lewis, Soviet gymnast
Larysa Latynina at Finnish runner Paavo Nurmi.
May tatlo pa siyang tsansa para dagdagan ang hinamig na ginto dahil
lalangoy din ito sa 200 individual medley, 100 fly at 400 medley
relay.
Sa 200-m butterfly, tumapos si Phelps sa oras na 1:52.03 para wasakin
ang dati niyang record na 1:52.70 sa world championships.
|