Nanindigan kahapon si North Cotabato Vice Gov.
Manny Piñol na nakahanda silang lumaban sa Moro Islamic Liberation
Front (MILF) para lamang protektahan ang kanilang lalawigan mula
sa pananakop ng rebel group kahit na “tirador at kutsilyo”
lamang ang kanilang magiging armas.
Sinabi ito ni Piñol dahil ngayon pa lamang ay pinaghahanda
na niya ang kanyang mga kababayan na idepensa ang kanilang pamamahay
mula sa mga mananakop na rebelde, bunga ng binuong memorandum
of agreement on ancestral domain (MOA-AD) ng gobyerno at MILF.
Aniya, kahit na armado ng matataas na kalibre ng baril at armas
ang rebeldeng MILF, hindi nila isusuko ang North Cotabato nang walang
kalaban-laban.
“Sabi nila hindi namin kaya (ang MILF),
eh ‘di sige! Ano’ng magagawa namin kung tirador lang
ang amin at kutsilyo? Bakit ibig sabihin ba niyan tatakbo kami?
Hindi kami tatakbo! It’s not the weapon in your hand that
matters, it’s the courage in your heart and the principle
that you stand for,” pagdidiin pa ni Piñol sa isang
pulong balitaan sa Senado.
“Sabi ko nga sa mga tao ko ‘you prepare because our
house might be burned, we might be attacked’. My people, and
I’m proud of them, are willing to make sacrifices. We have
made sacrifices in the past, we’re ready and willing to make
sacrifices again,” dagdag pa nito.
Nakipagpulong sina Piñol at Iligan City Mayor Lawrence Cruz
kay Sen. Mar Roxas kahapon upang palakasin ang kanilang kampanya
sa pagtutol sa MOA-AD kung saan mabubuo rito ang Bangsamoro Juridical
Entity (BJE) na siyang sasakop sa maraming barangay sa Mindanao,
kabilang na ang mga barangay sa North Cotabato.
Mula sa Kamara, kinumpirma ni North Cotabato Rep. Bernardo Piñol
ang pagdadala ng armas ng mga sibilyan sa kanilang lugar bilang
depensa sa kanilang mga sarili.
“We encourage people to defend themselves, their families
and their properties,” anang kongresista sa isang press briefing.
400-800 MILF pumosisyon
Ang hakbang, ayon sa solon, ay
reaksyon lamang ng mga sibilyang mamamayan sa pagdagsa ng 400 hanggang
800 armadong MILF rebels na nagsimula nang pumosisyon sa mga bayan
ng Pigkawayan at Midsayap.
Sinasabing ang malaking bilang ng tropang MILF ay galing pa sa Maguindanao
at sadyang hinakot sa North Cotabato upang maghasik ng karahasan
bunga na rin ng matinding pagtutol ng lalawigan na mapasakop sa
binuong BJE sa pamamagitan ng MOA-AD na inisyuhan ng Korte Suprema
ng temporary restraining order (TRO).
Nagsimula nang lumikas ang libu-libong residente ng lalawigan na
ang karamiha’y Kristiyano. Batay pa sa nakalap na ulat ng
tanggapan ni Defense Sec. Gilberto Teodoro, umaabot na sa 1,536
na pamilya o 6,547-katao ang nagsilikas sa mga karatig-lalawigan
upang makaiwas sa umiigting na tensyon.
Sinabi pa ni Teodoro na personal nang tumungo sa lalawigan
si Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Alexander
Yap upang personal na pangasiwaan ang operasyong militar dito.
Atake sinimulan na Kinumpirma rin ng AFP kahapon ang nakakaalarmang
paglobo ng bilang ng armadong MILF rebels sa lalawigan na nagsimula
na rin umanong umatake sa ilang puntiryang lugar. Sa ngayon ay may
bihag pa umanong pitong government militias at tatlong sundalo ang
mga rebelde, ayon kay Vice Gov. Piñol.
Naniniwala rin ang locally-based military forces na konektado sa
naudlot na government-MILF peace accord ang mga pag-atakeng
ito.
“Rebels have been attacking government militias in North Cotabato
since last month. They burned houses and harassed residents,”
ani Lt. Col. Julieto Ando, spokesman ng Army’s 6th Infantry
Division, sa panayam ng Abante.
“The attacks were connected to the opposition of North Cotabato
to be included in the Muslim ancestral domain,” dagdag pa
ni Ando.
24-oras na ultimatum Bilang kontra aksyon, inilatag kahapon ni Local
Government Sec. Ronaldo Puno ang 24-oras na ultimatum upang mapayapang
lisanin ang inokupang limang bayan at siyam na barangay ng North
Cotabato.
Kasabay nito ay bumuo ng isang joint police-military task force
ang pamahalaan para pangunahan ang ‘clearing operations’
sa mga apektadong bahagi ng lalawigan.
Ipinaliwanag ni Puno na matapos ang pagpupulong ng National Security
Council (NSC) ay napagkasunduan ng mga ito na bigyan ng 24-oras
ang miyembro ng MILF na lisanin ang inookupang mga barangay sa nasabing
lalawigan.
“Otherwise, they will be forcibly removed from these barangays,”
ayon pa kay Puno sa ginanap na pagpupulong sa Camp Crame.
Magtatapos ang nasabing deadline ngayong alas-10:00 ng umaga.
Idinagdag pa ni Puno na hiniling na nito kay Philippine National
Police (PNP) chief Director General Avelino Razon Jr., na magpadala
ng inisyal na tatlong batalyon sa nasabing lalawigan na susuportahan
ng puwersa ng militar.
Full MOA disclosure - League of Provinces
Sa gitna ng umigting na tensyong military sa North Cotabato, itinulak
naman ng League of Provinces of the Philippines (LPP) ang ‘full
disclosure’ ng MOA-AD na siyang ugat ng kaguluhan sa Mindanao.
Sa isang panayam, sinabi ni LPP president Misamis Occidental Gov.
Leo Ocampos na naniniwala silang ‘hindi pinal’ ang pinasok
na kasunduan ng pamahalaan at MILF kaya’t lalong dapat umanong
ipaubaya sa Korte Suprema ang pagpapasya kung itutuloy ito o hindi.
Sa huli ay ang Konstitusyon pa rin umano ang dapat na manaig kaysa
anumang uri ng kasunduan.
“We will follow the Constitution, we don’t want to interpret
the MOA not as self-executing, it is not yet final,” ayon
pa kay Ocampos.
Nais umano nilang malinawan ang nasabing MOA kung saan iba-iba umano
ang naririnig nilang bersyon ng nilalaman nito.
“Para kasing general statement, we want to know the real score
and we are calling for the full disclosure,” dagdag pa nito.
Hinggil naman sa paninindigan laban sa MOA-AD, sinabi ni Ocampos
na iginagalang umano ng mga gobernador ang naging aksyon ni Vice
Gov. Piñol at natural lamang umano ang naturang reaksyon.
Kahapon ay nabatid kay Sec. Puno na isinumite na ni presidential
peace adviser Hermogenes Esperon sa Kamara at Senado ang kopya ng
MOA-AD upang mahimay ng mga mambabatas.
|