|
Kalimutan na ni Gilbert Remulla ang kanyang ambisyon na magiging senador.
Sa kanyang pagbisita sa mga Ampatuan sa Davao noong isang buwan, lumabas na may pagkukulang sa kanyang values o moralidad.
Dating journalist pa naman siya.
Sira rin dito si Nacionalista party presidential candidate Manny Villar. Dapat ipakita niya na kaya niyang magdisiplina ng kasama na nagkamali kung hindi pareho na silang babagsak.
Si Remulla kasi bayaw ni Sigfrid Fortun, abogado ng mga Ampatuan. Ngayon kasi malakas pa rin ang mga Ampatuan sa Maguindanao. Marami nga sa mga kamag-anak nila ang tumatakbo nitong eleksyon at malamang mananalo.
Sabi nga ng kakilala ko sa Maguindanao, mahina raw si Ismael “Toto” Mangudadatu.
Sinabi ng aming source sa military, sandali nga lang daw ang bisita ni Remulla noong isang buwan.
“Social visit” pa ang sabi. Paano naman niya nasigurado na social visit?
Ang masaker noong Nobyembre 23 ay talagang karumal-dumal na kahit sinong tao ay dapat masuka.
Hindi kumulang sa 57 na tao ang pinatay at 32 sa kanila ay journalists, dating kasamahan niya sa propesyon. (Dating reporter ng ABS-CBN si Gilbert. Nag-aral pa ‘yan sa Columbia University sa New York.)
Maiintindihan ko ang pagtanggap ni Sigrid Fortun ng kaso. Abogado siya. Sa kanya siguro, trabaho lang, pero itong si Gilbert, mahirap mapatawad ang kanyang ginawa.
Ito namang presscon noong Martes ni Andal Ampatuan Sr. sa Bicutan para iwagayway ang kanyang yellow na baller at sabihing si Noynoy Aquino ang kanyang susuportahan ay isa ring kalokohan. Unang-una bakit siya pinayagang mag-presscon. Nakakulong siya.
Akala siguro nina Villar damage control ang ginawa nilang pagpasuot kay Andal Jr. ng Noynoy Aquino yellow baller (noong isang linggo kasi Villar at Remulla orange baller ang suot).
Magkonsulta nga sila ng magaling na public relations expert. Wala ng pinaka-epektibo na damage control kundi umamin ng kasalanan, magsabi ng totoo at humingi ng paumanhin. Baka pwede pang patawarin ka ng tao.
Walang pinag-iba itong si Remulla kay Justice Secretary Alberto Agra.
Deny si Agra na malaking pera ang rason bakit niya pinawalang sala si dating ARMM Governor Zaldy Ampatuan at ang kanyang tiyo na si Akmad. Lokohin mong lelong mo.
Walanghiyaan na talaga ngayon, dahil desperado na itong mga Ampatuan at si Gloria Arroyo. Alam nilang sobra dalawang buwan na lang sila kaya kahit na garapalan ginagawa na.
Kaya tama ang panawagan ng mga kamag-anak ng mga journalists na napatay sa masaker kay QC RTC Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes. Maghintay sa bagong administrasyon. Saka na ipagpatuloy ang hearing dahil wala kang maaasahang hustisya sa administrasyong Arroyo na siyang nag-alaga sa mga Ampatuan.
***
Blog:www.ellentordesillas.com
E-mail:ellentordesillas@gmail.com
|