Mahal kong Senador Francis “Chiz”
Escudero,
Gusto ko po sanang malaman kung ang dalawang “gay”
na nagsasama at maraming naipundar na mga ari-arian ay maaaring
mapasailalim sa sistema ng “conjugal properties”. Ano
po ang dapat nilang gawin kung sila po ay maghihiwalay na.
Maraming salamat po!
Lubos na gumagalang,
Mr. Cancer Batangas City
Dear Mr. Cancer,
Isang magandang araw ng Miyerkules sa iyo at para sa lahat ng mambabasa
at patuloy na sumusubaybay ng Say Chiz.
Ang tinutukoy mong “sistema ng conjugal properties”
o ang tinatawag na “conjugal partnership of gains” sa
ilalim ng ating batas ay isang pamunuang pang-ari-arian (“property
regime”) na limitado lamang sa pagitan ng mag-asawa. Sa ilalim
ng ating batas, ang kinikilala lamang na maaaring maging legal na
mag-asawa ay ang isang babae at lalaki. Samakatuwid, ang dalawang
“gay” ay hindi maaaring maging legal na mag-asawa at
hindi maaaring sumailalim sa “conjugal partnership of gains”.
Sa ilalim ng “conjugal partnership of gains”, inilalagay
ng mag-asawa sa isang pondo (“common fund”) ang lahat
ng kita, interes o ‘di kaya ay produkto ng kanilang magkakahiwalay
na mga ari-arian. Sa oras na maghiwalay ang mag-asawa, kanilang
paghahatian ang nasabing mga kita, produkto o interes nang pantay
o ayon sa kanilang napagkasunduan.
Kung ang layunin ng dalawang “gay” ay magkasundo na
ilagay ang kani-kanyang mga ari-arian sa isang pondo at paghatian
na lamang ang mga kita, produkto o interes ng mga ito sa oras ng
kanilang paghihiwalay (katulad na lamang ng layunin ng mag-asawa
sa ilalim ng conjugal partnership of gains), maaari nilang isaad
sa isang kasulatan ang ganitong kasunduan.
Sumasainyo,
Senator Francis “Chiz” Escudero
***
Ilakip
ang inyong pangalan at address sa inyong ipadadalang mga katanungan
at mga suhestyon. Maaari kayong magpadala ng liham sa tanggapan
ng pahayagang ito sa No. 167 Liberty Bldg., Roberto Oca St., Port
Area, Manila o e-mail sa chizescudero2007@yahoo.com o sa pamamagitan
ng SMS o text message sa teleponong 0915-2974053.
|