www.abante-tonite.com
 
 
 
 
 
Ang papel ng propeta

 

Kamakailan lamang ay napanood ko sa YouTube kung paanong deretsahang sinabi ni Oprah Winfrey, ang sikat at popular na TV host sa Amerika, na hindi si Cristo Jesus ang tanging daan papunta sa Diyos.

Sunud-sunod ang mga reaksyong lumabas mula sa iba’t ibang grupong Kristiyano sa Estados Unidos.


Isa lamang si Oprah sa mga malalakas na boses sa himpapawid na tahasang nagtatakwil sa mensahe ng kaligtasang na kay Cristo Jesus.

Napakalungkot nito, dahil si Oprah ay lumaki sa isang Baptist church. Isa siyang pruweba na maging sa panahon natin ngayo’y nagkalat na ang mga bulaang propeta at guro, at ginagamit nila ang media upang isiwalat ang kanilang baluktot na aral.


Sa Bibliya, may mababasa tayong mga babala tungkol sa mga ganitong tao. “Suriin ninyo ang lahat ng bagay at pulutin ang mabuti,” sabi sa 1 Tesalonica 5:21. “Lumayo kayo sa lahat ng uri ng kasamaan.”


Sa 1 Juan 4:1-6 ay mahaba-haba ngunit mas malinaw ang paliwanag tungkol sa mga propeta at propesiya:


“Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan agad ang bawat nagsasabing sumasakanila ang Espiritu. Sa halip ay subukin muna ninyo upang malaman kung mula sa Diyos ang espiritung sumasakanila, sapagkat marami nang bulaang propeta ang lumitaw sa sanlibutan. Ito ang pagkakakilanlan kung sino ang kinaroroonan ng Espiritu ng Diyos: Ang nagpapahayag na si Jesu-Cristo ay naging tao ang siyang kinaroroonan ng Espiritung mula sa Diyos. Subalit ang hindi nagpapahayag ng gayon tungkol kay Jesus ay hindi kinaroonan ng Espiritung mula sa Diyos. Ang espiritu ng anti-Cristo ang nasa kanya. Nasabi na sa inyong ito’y darating at ngayon nga’y nasa sanlibutan na.


Mga anak, kayo’y sa Diyos at pinagtagum­payan ninyo ang mga bulaang propeta, sapagkat ang Espi­ritung nasa inyo ay makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan. Sila’y sa sanlibutan kaya’t mula sa sanlibutan ang itinuturo nila, at nakikinig sa kanila ang sanlibutan. Ngunit tayo’y sa Diyos. Ang sinumang kumikilala sa Diyos ay nakikinig sa atin, ngunit hindi nakikinig sa atin ang sinumang hindi sa Diyos. Sa ganito nga natin nakikilala ang Espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kamalian.”
Mga kaibigan, inga­tan natin ang ating mga tainga’t mga mata. Hindi lahat ng ating naririnig at napapanood o nababasa ay daan tungo sa Diyos. Ang papel ng tunay na propeta ay ang ituro si Jesus bilang tanging daan tungo sa Amang nasa langit (Juan 14:6). Kung ang isang tao’y nagtuturo nang tama, wala siyang ibang pangalang itataas maliban sa Diyos na si Yahweh, partikular na ang pangalan ni Cristo Jesus (Gawa 4:12).


Itinuturo ni Oprah Winfrey ngayon, sa pamamagitan ng mga klase na ibino-broadcast niya sa Web at sa telebisyon, na hindi lamang si Cristo Jesus ang daan. Marami pang ibang daan patungo sa Diyos. At nagsimula ang kanyang espirituwal na pagbagsak nang marinig niyang mangaral ang isang pastor na “Ang Diyos ay mapanibughuin” (Exodo 20:5). Hindi matanggap ni Oprah na ang isang Diyos na mapagmahal ay maaari ring maging, sa kanyang pagkakaintindi, “seloso”. Kaya’t hayun. Naghanap siya ng ibang mga babasahing mapag-aaralan, at mga taong makapagbibigay sa kanya ng ibang paliwanag o payo. Puro mali nga lamang.


Importante ang tamang pagtuturo ng doktrina sa Bibliya. Kaya’t piliin nating mabuti ang mga ipakakain natin sa ating mga espiritu. Shalom and God bless!


[Sumulat kay Zayith Hebron sa NABIIM, P.O. Box 468 Araneta Center, Cubao, Quezon City 1135 Philippines. Email: pagpapala2005@yahoo.com. Blog: http://nabiim-phils.tripod.com/blog]


 
 
              Search for keyword
 
EXCHANGE RATE

 
Copyright © 2008, Monica Publishing Corporation. All Rights Reserved
designed and developed by:
MIS Section