Normal lang na maliitin ng administrasyon ni
Gng. Gloria Macapagal-Arroyo ang posibilidad ng food riot sa bansa
gaya ng nangyari kamakailan sa bansang Haiti na nagpabagsak sa gobyerno
nito.
Kung kasaysayan ang pagbabatayan, tama ang pahayag ni
Defense Secretary Gilbert Teodoro na malayong mangyari sa Pilipinas
ang mga food riots na nagbabanta rin sa mga bansang Egypt at Bangladesh
dahil sa kakapusan ng pagkain.
Tinukoy ni Teodoro na hindi pa nangyari sa Pilipinas ang mga food
riot at dahil dito ay malabo ang senaryo na magkakaroon ng kaguluhan
bunsod ng kawalan ng makain ng mga Pilipino.
Nakalimutan siguro ni Teodoro na ang bigong Edsa Tres ay isang halimbawa
ng “riot” kung saan ang mga daang libong mahihirap na
tagasuporta ni dating Pangulong Estrada ay nagmartsa patungong
Malacañang at nasaksihan sa media kung papaano nila kalabanin
ang mga armadong pulis.
Walang lider ang mga lumusob sa Malacañang noong Mayo 1,
2001 at dito mo makikita na ang matinding galit kay GMA ay puwedeng
maging mitsa ng kaguluhan gaya ng Edsa Tres.
Nangyari na rin ang ganitong klaseng riot sa paanan ng Mendiola
Bridge noong 1970 kung saan libu-libong estudyanteng galit sa Pangulong
Marcos ang lumusob sa Malacañang na naging bahagi ng makasaysayang
First Quarter Storm.
Sa dalawang nangyaring riot sa Malacañang, pulitikal ang
puno’t dulo ng mga kaguluhan pero nakapaloob sa kanilang mga
pagkilos ang mga batayang suliranin sa trabaho, pabahay at pagkain.
Ang gusto lang natin ipunto ay hindi dapat balewalain ng gobyerno
ang posibilidad ng food riot dahil posible ito at nakita sa kasaysayan
na ang mga tipo ng Edsa Tres at FQS ay kayang ilunsad ng mga galit
at gutom nating mga kababayan.
Gaya nga ng malimit sabihin ni dating Pangulong Estrada: “A
hungry stomach knows no law.”
Samantala, lalong lumilinaw na mga propagandista rin ng Malacañang
ang nasa likod ng hysteria sa “rice crisis” dahil mismong
kapartido ni GMA na si La Union Rep. Thomas Dumpit ang nagpanukala
sa Kongreso ng emergency powers para sa pangulo.
Natural na itanggi ng Malacañang na kailangan ni GMA ang
emergency powers sa “rice crisis” pero mahirap din namang
isipin na walang go-signal mula sa Partido Kampi ang paghahain ng
resolusyon ni Dumpit na kilalang pro-GMA.
Ika nga, “trial balloon” ang ginawa ni Dumpit na nangangahulugang
kapag hindi lumipad ay walang pakialam ang Palasyo pero kapag
kumuha ng suporta sa maraming kongresista ay makikinabang ang nakaupo
sa Malacañang.
Walang iniwan ito sa “rice crisis” na mga spin doctors
din ni GMA ang may gawa para i-divert ang atensyon ng emdia at publiko
mula sa iskandalong dala ng ZTE-Broadband deal na naging matagumpay
lalo matapos lumabas ang desisyon ng Korte Suprema.
“Wag the dog” ang tawag sa ganitong klase ng operasyon
kaya huwag sanang ibintang ng Malacañang sa oposisyon ang
lumaking “rice crisis” sa media.
|