Buking na si Juan Miguel Zubiri, ang pekeng
senador.
Binuksan noong Biyernes ang 198 na ballot boxes mula sa Sultan Kudarat
sa probinsya ng Shariff Kabunsuan at nabulagta ang lahat. Walang
laman!
Wala ang 32,000 na boto ni Zubiri na siyang naglagay sa kanya sa
Senado.
Naproklama si Zubiri na senador sa lamang na 18,000 kay Pimentel.
Maalaala natin na leading si Pimentel
kay Zubiri sa bilangan noong eleksyon noong Mayo hanggang dumating
ang boto mula Maguindanao at Shariff Kabunsuan kung saan si Zubiri
ang number one nang mag-special elections.
Ang tawag tuloy kay Zubiri ay “the gentleman from Maguindanao”
dahil ang mga boto roon ang naglagay sa kanya sa Senado.
Maalaala natin na noong unang bilangan, ang number one doon ay si
Chavit Singson na pinagtawanan na nga dahil hindi nga siya number
one sa kanyang rehiyon. Alam naman kasi ng lahat kung anong klaseng
eleksyon ang nangyayari sa ARMM (Autonomous Region in Muslim Mindanao),
kung may nagaganap nga na eleksyon.
Nang magkaroon ng special election at klaro na talo talaga si Singson,
aba biglang naging number one doon si Zubiri. Ang biruan nga sa
nawawala na si Lintang Bedol, election officer sa ARMM ay kaya ‘yun
nagtatago dahil kailangan niya ieksplika kung bakit si Zubiri ang
nanalo samantalang may ibang usapan.
Ngayon lumalabas ang magic na kanilang ginawa roon. Nabuksan ang
ballot boxes ng Shariff Kabunsuan (dati itong parte ng Maguindanao
bago ginawang bagong probinsiya) dahil sa protesta na isinampa ni
Aquilino “Koko” Pimentel III. “Kailangan babalikan
ang mga balota dahil kung walang balotang bibilangin, ibig sabihin
noon, walang boto,” sabi ni Koko.
Talaga namang kaduda-duda ang 32,000 na boto ni Zubiri sa Sultan
Kudarat kasi 34,000 ang registered voters. Isa, sobrang taas ang
voters’ turnout. Ibig sabihin noon walang namatay, walang
umalis sa lugar, walang nagkasakit mula noong nagkaroon ng voters
registration maraming taon na ang nakaraan. Isang libong boto lang
ang nakuha ni Pimentel doon.
May mga report noon na iilang tao lang ang bumoto at gumawa ng election
returns at certificate of canvass. Kaya ngayon nagkakabukingan na.
Sabi ni Atty. Lilia de Lima, abogado ni Pimentel, dapat tanggalin
na ang 32,000 sa bilang ng boto ni Zubiri. Dapat lamang na ngayon
si Pimentel.
Siyempre, humihirit pa si Zubiri. Wala raw siyang alam doon sa nawawalang
balota. At may protesta rin daw siya dahil dinaya raw siya sa Metro
Manila.
|