Saan
ba kumukuha ng ideya ang pamahalaang Arroyo sa tunay na pakahulugan
ng ‘anti-corruption drive’? Panay kasi ang bida nila
tungkol sa seryosong kampanya raw laban sa corruption. May naniniwala
kaya?
Simple lang naman ang punto natin dito. Kung seryoso ang gobyernong
walisin ang katiwalian sa kanilang hanay, una nilang dapat alisin
ang proteksyon sa mga ito. Natural, kung sino ang nagbibigay ng
proteksyon ay siya lang din ang makakaalis nito.
E, ang problema nga ay itong naglilinis kuno sa katiwalian ang siya
rin namang kumakanlong sa mga naaakusahan ng kabulastugan.
Tulad na lang nitong si dating Agriculture Undersec. Jocelyn ‘Joc
Joc’ Bolante. Napakatagal na panahon nang binubusisi itong
P728 milyong fertilizer fund scam, pero hanggang ngayon ay hindi
maiharap sa tamang forum si Bolante. Bakit? Dahil ba may maisasabit
talaga itong malalaking tao at mabubuking na totoong na-divert sa
kampanya ng administration candidates ang pondo para sana sa abono
ng mga magsasaka? Tiyak namang napag-utusan lang itong si Joc Joc
kaya’t ang mga ‘mastermind’ ang nagkukumahog na
maitago talaga ang kontrobersyal na ex-official para masigurong
hindi sila sasabit.
Tingnan n’yo naman ang epekto. Ang tindi ng pinsalang idinulot
ng pagwawaldas sa pera para sa mga magsasaka. Buong bayan ang nagdurusa
sa krisis sa bigas. At ang mga nakinabang sa fertilizer fund, halatang
hindi nakukunsensya at malamang ay nakikisawsaw pa sa pekeng anti-corruption
campaign.
Idagdag na rin natin ang iba pang kontrobersyal na personalidad
na tila nasa loob ng isang ‘magic shell’ na hindi ma-penetrate
kahit ng mga makapangyarihang komite ng Senado.
Kung talagang seryoso ang gobyerno sa anti-corruption campaign,
alisin ang lahat ng balakid na humaharang sa Senado at sa iba pang
independenteng sangay ng pamahalaan para mabulatlat ang kasuluk-sulukan
ng sangkatutak na anomalya sa gobyerno.
Bukod kay Bolante, paharapin na rin si CHED Chairman Romulo Neri
nang walang bitbit na ‘executive privilege’. Pati itong
‘Hello Garci’ scandal, buhayin na rin at tanggalin ang
pagpapadrino kay dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano.
Kapag nangyari ito at nabigyan ng hustisya ang taumbayan sa pamamagitan
ng pagpapakulong sa mga personalidad na sangkot sa nakakalulang
mga anomalya, saka pa lang kami maniniwala sa sinseridad ng anti-corruption
campaign ng pamahalaang Arroyo.
|