TULOY
na ba ang paglipat ni Nadine Samonte sa ABS CBN 2?
Naglabasan kamakailan na mag-a-alsa balutan na raw si
Nadine sa GMA 7, at susunod na ito sa mga yapak ni Cristine Reyes.
Sa pakikipagtsikahan namin kay Nadine kamakailan sa studio ng Eat
Bulaga, itinanggi niya na lalayasan na niya ang Siyete. Sabi ni
Nadine, nanatili pa rin siyang Kapuso.
Pero, inamin din ni Nadine na ayaw na niyang pumirma ng panibagong
kontrata sa GMA Artist Center.
Noong Pebrero pa nag-expire ang kontrata ni Nadine sa Artist Center.
Pero, sa pagkakaalam ni Nadine, kung sakaling pilitin ng Artist
Center na papirmahin siya ng panibagong kontrata, malamang
na wala raw siyang magawa, dahil nakasaad daw sa dati niyang kontrata
na may option ang Artist Center na muli siyang papirmahin.
Sabi ni Nadine, ang abugado na lang daw niya ang bahalang mag-asikaso
tungkol doon.
Anyway, ayaw magbigay ng dahilan si Nadine kung bakit ayaw na niyang
pumirma ng panibagong kontrata sa Artist Center.
Pero, aminado siya na siya man ay nagtataka na parang napapabayaan
na siya ng GMA. Katunayan, isang programa lang daw ang ginagawa
niya ngayon, na magtatapos na rin. At hanggang ngayon ay wala
pa raw siyang naririnig na kasunod nito.
Kung siya raw ang masusunod, mas type niyang pumirma ng exclusive
na kontrata sa GMA, at hindi sa Artist Center. Sabi nga niya, gusto
niyang magkaroon ng magandang trabaho, at seguridad sa kanyang career.
Inamin ni Nadine na siya ang nagpapakain sa kanyang pamilya, kaya
kailangan niya ng trabaho. Nalulungkot nga siya kapag naiisip na
hindi siya sinusuportahan ng GMA.
Itinanggi ni Nadine na nakikipag-usap na siya sa management ng ABS
CBN. Sabi nga niya, wala raw siyang natatanggap na offer mula sa
Dos.
Anyway, natapos na ang bahay na ipinagawa ni Nadine, at kumpleto
na rin ito ng mga gamit.
Ibinalita rin ni Nadine na matatag pa rin ang relasyon nila ng non-showbiz
boyfriend niya.
|