Tatagal na lamang nang 57 araw ang imbak na
bigas ng Pilipinas at pagkatapos nito ay aasa na lamang ang sambayanan
sa susunod na importasyon at anihan.
Ito ang ibinunyag kahapon ni Justice Sec. Raul Gonzalez matapos
ang cabinet meeting na isinagawa sa kanyang tanggapan.
Ngunit sa kabila umano nito ay hindi pa rin napapanahon ang pagdedeklara
ng ‘state of emergency’.
Idinagdag pa ni Gonzalez na bagama’t dalawang buwan na lamang
ang itatagal ng supply ng bigas, matutugunan pa rin ang pangangailangan
ng taumbayan pagkaubos ng imbak bunga ng darating na mga bagong
angkat na bigas at ng inaasahang ani sa buwan ng Hunyo.
Sinabi pa ng kalihim na hindi problema ang supply kundi ang tumataas
na halaga ng butil. “Kahit tumataas-taas ‘yan, ang mahalaga
ay mayroong bigas,” ani Gonzalez.
Hindi naman masabi ng opisyal kung bubuti o lalo pang sasama ang
sitwasyon sa mga darating na araw, “I don’t know if
the worst is coming but I can assure you that the government has
put safety nets already,” dagdag nito.
Sa kabilang dako, maging ang United Nations (UN) ay nauubusan
na rin ng imbak na bigas kaya’t inihayag nito kahapon na kakailanganin
nitong putulin ang kanilang ‘feeding program’ sa
milyong mahihirap na Filipino sa rehiyon ng Mindanao.
Nabatid sa World Food Program (WFP) na umaabot na lamang sa 4,000
toneladang bigas ang nakaimbak sa kanilang bodega sa Mindanao at
tatagal na lamang ito sa loob ng dalawang buwan.
Umapela rin ang grupo sa kanilang mga donor community, mga dayuhang
pamahalaan at pribadong kumpanya na tulungan silang makalikom ng
pondong maibibili ng bigas na ngayo’y sumisirit ang presyo
sa world market.
Kaugnay ng nakaambang mas malaking problema sa nauubos na imbak
ng bigas, ilalarga na ng pamahalaan sa susunod na dalawang linggo
ang pag-iisyu ng ‘access cards’ sa mahihirap na mamamayan
na siya na lamang papayagang makabili ng abot-kayang National Food
Authority (NFA) rice.
Ito naman ang inihayag ni Agriculture Sec. Arthur Yap na nagsabing
hindi makakabili ng NFA rice ang sinumang walang ‘access card’.
Layunin nitong matiyak na mga mahihirap na pamilya lamang ang makikinabang
sa murang bigas ng NFA bunga na rin ng tumataas na halaga nito sa
buong mundo.
Hinggil naman sa usapin ng panukalang pagkakaloob ng emergency power
kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, tahasang sinabi ni Sen. Mar
Roxas na hindi solusyon sa problema ng bigas ang ‘extra power’
ng huli.
“Kung kulang talaga ang supply ng palay at ng production ng
bigas, hindi naman ito maa-abrakadabra sa pamamagitan ng emergency
powers,” diin ni Roxas.
Maigting ding tumutol sa resolusyon si Makati City Mayor Jejomar
Binay na nauna nang nagpanukalang ibigay sa local government
units (LGUs) ang kapangyarihang resolbahin ang problema sa kanilang
nasasakupan sa pamamagitan ng pagdedeklara ng ‘state of emergency’.
Anang alkalde, maaabuso lamang ang ‘extra power’ na
ito at pag-uugatan lang ng mas marami pang anomalya.
Kamakalawa ay tinanggihan na rin mismo ng Malacañang ang
ideya at sinabing hindi pa ito kailangan sa ngayon.
Sa kanyang pambungad na pahayag kahapon sa idinaos na cabinet meeting
sa Department of Justice (DOJ), nagbanta si Arroyo na pangungunahan
niya mismo ang crackdown operation laban sa mga tiwaling government
officials at pribadong indibidwal na sangkot sa rice hoarding at
iba pang rice crimes.
Kahapon ay 13-katao ang kinasuhan ng National Bureau of Investigation
(NBI) sa DOJ kaugnay ng iba’t ibang panraraket sa bigas.
Pinaigting na rin ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang
kampanya laban sa mga rice crimes at kahapon ay partikular na binalaan
ni PNP chief Gen. Avelino Razon Jr. ang mga pulis na mapapatunayang
protektor ng mga tiwaling rice traders.
|