NABULABOG kahapon ang Makati City Regional Trial
Court dahil sa pagdating ng Gutierrez family para samahan si Richard
sa pagsasampa nito ng libel case laban kay Jo-Ann Maglipon, ang
Editor-in-Chief ng Philippine Entertainment Portal at sa PEP writer
na si Ferdinand Godinez.
Kasamang
dumating ni Richard sa korte ang kanyang mga magulang na sina Eddie
Gutierrez at Annabelle Rama at ang kanyang mga kapatid na sina Ruffa
at Raymond.
Naroroon din si Bubbles Paraiso na tumatayo bilang witness ni Richard.
Nag-submit ng kanyang affidavit si Bubbles bilang
pagpapatunay na walang katotohanan ang artikulo na isinulat ni Ferdinand
tungkol sa diumano’y “altercation” sa pagitan
nina Richard at Michael na naganap sa birthday party ng direktor
na si Mark Reyes noong March 29, 2009.
Twenty-five million pesos ang halaga ng kaso na isinampa ni Richard
laban kina Maglipon at Godinez. Pagkatapos sumpaan ang kanyang affidavit,
nagpainterbyu si Richard para sabihin ang kanyang saloobin.
Nagdesisyon daw siya na ituloy ang kaso para na rin sa kanyang mga
tagahanga at sa movie industry.
“Maraming artista ang nabibiktima ng ganitong klaseng false
journalism at nagkataon lang na nangyari ito sa akin. Nakakalungkot
na kinailangan na mangyari ito, pero I just want to get to the bottom
of this and we wanna find out the truth kung sinong tao ang nasa
likod nito. That’s why we’re doing this.
“(They are) Apologizing for the wrong reason. It wasn’t
a retraction. We are asking for a retraction. We gave them a chance,
actually to retract.
“Pinalabas nila na may nangyari pa rin. Na hindi lang nila
ako kinunan ng statement at may nangyari pa rin na ganoong klase
ng insidente. Hindi naman totoo ‘yon. Hindi kami papayag na
ganoonin.
“Personal kong desisyon ito. Personal kong desisyon na gawin
ito para malaman ko ‘yung totoo. Kung ano ba talaga ang nangyari.
“I’m very serious. I have my whole family behind me.
My fans are supporting me. We’re very serious with the case.
“Right now, we’re letting the legal action takes its
course, for now. Right now, we just want to get to the bottom of
this.
“PEP said they have a source. They have to reveal their source.
Gusto naming malaman ang totoo.”
Idinagdag ni Richard na hindi siya papayag na masira ng ibang tao
ang pangalan na kanyang inalagaan at pinaghirapan, lalo na ang reputasyon
ng kanyang pamilya.
***
Nagsalita rin si Annabelle Rama tungkol sa kaso na isinampa ng kanyang
anak laban sa PEP.
Ayon kay Annabelle, suportado ng buong pamilya ang hakbang na ginawa
ni Richard para lumabas ang buong katotohanan.
Ipinagtapat ni Annabelle na may idea na siya kung sino ang tao na
nasa likod ng paninira kay Richard dahil sa isang text message na
natanggap niya bago sumapit ang Holy Week.
Hindi pa masabi ni Annabelle kung itutuloy niya ang plano na pagsasampa
ng hiwalay na kaso laban sa PEP dahil mag-uusap pa sila ng kanyang
pamilya.
Matatandaan na sinabi ni Annabelle noong April 1, 2009 na iniisip
din niya na idemanda ang PEP bilang ina at business manager ni Richard.
|