TUESDAY, APRIL 10, 2012   ARCHIVES ABOUT US
LOTTO

TAMA KA BA?

Custom Search
OPINION
Ang tapang mo!

Kahapon, Araw ng Kagitingan.


Dati, ang tawag sa April 9, Bataan Day. Mas una pa duon, ang tawag sa April 9, Fall of Bataan.


Ano pa man ang tawag, ang araw kahapon ay selebrasyon ng kagiti­ngan ng mga Pilipino.


Minsan, tinanong ako ng anak ko. Tanong niya, “Dad, bakit ba sini-ce­lebrate ang April 9; e, ‘di ba araw ng pagkatalo ‘yun?”


Maganda ang tanong ng anak ko. Oo nga naman. Sa araw na ‘yun, bumagsak ang Bataan sa kamay ng mga kalaban. Sumuko ang mga Pi­lipino. Talo. E, bakit sini-celebrate?


May naisip akong sagot. Sabi ko, “Anak, ang sini-celebrate natin, hindi ang pagkatalo, kundi ang tapang ng mga Pilipino.” Dahil sa tapang natin, hindi agad bumagsak ang Bataan. At dahil, hindi agad bumagsak, nasira ang mga plano ng kalaban. Ang galing, ‘di ba?


Akala ko tapos na ang usapan. May isa pa siyang tanong. Tanong ng anak ko:


“Bakit, dad; matapang ba ang Pilipino?”


“Ano ba, dad, ang ibig sabihin ng ‘matapang’; papano ba maging ‘matapang’?”


Muntik na akong mapakamot ng ulo. Ang hirap naman ng tanong ng anak ko. Para makaisip ako ng sagot, tinanong ko muna siya. Sabi ko, “bakit mo gustong malaman?”


Sabi niya, “Kasi parang duwag ako, e; takot kasi akong makipag-away.”


Ayun! Natumbok ng anak ko ang isang mahalagang punto. Nakaisip agad ako ng sagot. Sabi ko:


“Anak, hindi naman ang ibig sabihin ng matapang ay hindi ka na takot.”


Patuloy ko: “Lahat tayo, merong kaba ‘pag nasa harap ng kalaban; kahit si Manny Pacquiao ka pa.”


“Pero ang matapang, kahit meron siyang kaba o takot, gagawin pa din niya ang dapat niyang gawin -- haharapin niya ang kalaban niya.”


“Ang tapang ay hindi lang isang damdamin o feeling; ang tapang ay isang desisyon -- ang desisyon na hindi patalo sa takot o kaba at gawin ang dapat gawin.”


“Ang duwag ay ang tao na nagpapatalo sa takot o sa kaba; hindi pa nag-uumpisa ang laban, talo na,” paliwanag ko.


Nagtanong ulit ang anak ko: “E, dad, saan ako makakakita ng matatapang na Pilipino bukod kay PacMan?”


Sabi ko, “Nakikita ang tapang ng Pilipino sa pang-araw-araw na buhay -- matapang nilang hinaharap ang kahirapan sa pamamagitan ng pagsisikap; sa pagbangon nila mula sa pagkasira ng mga tahanan at kabuhayan sa panahon ng bagyo; o sa paninindigan nila laban sa corruption.”


“Kung duwag ka, hindi mo lalabanan ang kahirapan o sakuna o corruption, anak; basta susuko ka na lang,” dagdag ko.


“At ito ang pinakamatinding tapang ng Pilipino -- ipinaglalaban niya ang mga pangarap niya para sa mas magandang buhay at mas maayos na Pilipinas, kahit na parang dehado sa ganuong laban,” patuloy ko.


“Ang galing ng paliwanag mo, dad!” sabi ng anak ko.


Sagot ko, salamat, anak. Sabay tayo nang mabilis dahil bigla akong tinawag ng misis ko.


Kasi, kailangan kong pumunta agad kay misis. Mahirap na. Taga-Bataan kasi ‘yun.


Siguradong matapang.


LETTER TO THE EDITOR: Meron po ba kayong saloobin na gustong iparating sa patnugutan ng ABANTE o gustong ipaalam sa gobyerno sa pamamagitan ng inyong lingkod na dyaryong ito? Ipadala lamang sa email address na ito: abante_editor@yahoo.com

Importante: Opsyon ng nagpadala kung hindi ipapabanggit ang kanyang pangalan at iba pang impormasyon sa publikasyon ng sulat, pero kailangang nasa email ang kumpletong pangalan, contact number at address (for Abante file purposes).--Editor

 
Become a fan on facebook
Follow us on twitter
FOREX
US Dollar 42.9101
Bahrain Dinar 113.812
Euro 56.0696
Australian Dollar44.1445
HK Dollar 5.52530
Japan Yen 0.526651
Saudi Riyal 11.4420
S’pore Dollar 34.0408
Taiwan Dollar 1.45259
UAE Dirham 11.6821
UK Pound 68.1036
COLUMNIST OF THE DAY
Ang kapangyarihan

 
Loading
HOME TOP
Copyright © 2011, Monica Publishing Corporation. All rights reserved.
Designed and developed by:
MIS Section