Hindi makarinig

By
92

Puwede makahingi ng tulong sa inyo? Hindi ako maka­rinig sa isang tainga. Parang may nakabara.  Salamat! — Name withheld.    

***

Kung nagkaroon ka ng sipon, allergy o sinus infection, baka bumara ang isang eustachian tube kaya hindi ka maka­rinig. Ito ang tubo na nagdurugtong ng middle ear sa likod ng lalamunan. Subukan mong maglunok, maghikab o ngumuya ng chewing gum para mabuksan ang eustachian tube at maka­rinig ka ulit.

Kung hind umubra ito, huminga ng malalim, ipitin ang ilong ng hinlalaki at hintuturo, isara ang bibig at palabasin ang hangin sa tainga. Gawin ito ng dahan-dahan. Kung may marinig kang popping sound, makakarinig ka na. Kung wala, pumunta sa isang ENT specialist para matingnan kung madami kang tutuli na siyang dahilan ng pagbara ng tainga. ­Maaaring may ibang bagay din na nakabara rito.

***

Ano ang puwedeng gawin sa malalaking ugat sa kamay at paa? — Name withheld.

***

Maaaring lumaki ito dahil sa exercise pero babalik sa dati kapag hindi na nag-exercise o kapag tinaas ang kamay. Mas nakikita rin ang ugat kapag tumanda dahil manipis na ang ­balat at hindi na ito nababanat.  Hindi dapat matakot dahil ­natural ito.

Baka naman ang problema mo ay varicose veins na kadalasan lumilitaw sa binti at paa pero makikita rin sa ibang ­bahagi ng katawan tulad ng braso, dibdib at mukha.  Ang dahilan nito ay mahina o sirang balbula sa paa na nagdadala ng dugo paakyat sa puso. Dahil hindi makabalik ang dugo, naiipon ito sa ugat na lumalaki at namamaga.

Pumunta sa doktor para malaman kung normal ang mala­laking ugat mo o epekto ito ng ibang sakit na maaaring magdulot ng mga delikadong komplikasyon. Doktor lamang ang makapagsabi kung okay ka.


***

May problema ka ba sa kalusugan? Nais mo bang maliwanagan sa sakit mo? Mag-e-mail kay George Nava True II sa georgenavatrue@yahoo.com, mag-text sa 0935-972-0691 o mag-iwan ng message at i-like ang kanyang Facebook page Health Frontiers Online. Sasagutin niya ang mga tanong niyo rito. Si George ay ­beteranong health ­columnist at author ng 3 health books.


SHARE