EDITORIAL: Pakinggan ang boses ng mamamayan

66

Malinaw pa ngayon sa sikat ng araw na hindi kailangang magpatupad ng Martial Law ng gobyerno para solusyunan ang mga problema ng bansa.

Kung pagbabasehan ang naging resulta ng Pulse Asia survey noong Setyembre 2016 ay lumalabas na nasa 64% ang nagsasabing hindi kailangan ang Martial Law. At sa pinaka-latest na resulta ng Pulse (Disyembre 6 hanggang 11), tatlo sa bawat apat na Pilipino ang ayaw nang ibalik ang Martial Law.

Kitang-kita ngayon na hindi lang minority at hindi lang makakaliwa kundi mayorya sa taumbayan ay ayaw na ng martial rule at naghahanap ng bagong solusyon sa mga problemang kinakaharap natin. Ang taumbayan na mismo ang naghahanap ng bagong solusyon at hindi iyong mga nagawa natin noon na nakasama sa ating bansa.

Hindi naman siguro kaila sa Pangulo na iisa ang sigaw ng sambayanang Filipino, never again sa Martial Law. Ito ay dahil na rin sa masamang karanasan ng mga Pinoy noon nang ipatupad ito ng dating diktador.

Malinaw na ngayon sa mamamayan na walang batayan at walang pangangailangan para sa Martial Law kaya dapat ay pakinggan ito ng Pangulo at itigil na ang pagbabangit at pagbabanta pa minsan na magbaba ng Martial Law.

Siguro nama’y mahihimasmasan na si Pangulong Duterte sa mga nauna niyang pahayag na gusto niyang maretoke ang 1987 Constitution upang mawala ang papel ng Kongreso at Supreme Court sa pagdeklara ng Martial Law. Isa pa’y wala namang batayan para sa pagdedeklara ng Martial Law dahil walang rebelyon.

Hindi dapat balewalain ngayon ni Duterte ang siyentemento at kapangyarihan ng mamamayan dahil kung itutuloy niya ngayon ang kanyang mga balakin na iimplementa ito ay siguradong sasalubungin siya ng protesta.

Dapat ay kalimutan na lang ng Pangulo ang anumang plano niya tungkol sa pagbabalik ng batas militar kung ayaw niyang mas lalong gumulo.


SHARE