Dream Love

By
23738

Unang Labas

“Bakit?… bakit mo ginawa sa’kin to?… paano?” todo ang emosyong nararamdaman ng binatang si Dave. Punumpuno ng damdamin ang bawat katagang binibitawan niya. At kung kaharap mo siya ay masasalamin mo sa mga mata niya ang isang libo’t isang kalungkutang bumabalot sa puso niya.

“Hindi… hindi ako naniniwalang magagawa mo sa’kin ‘to…” patuloy ni Dave.

Napahinto sa paglalakad si Julia hawak ang bilao ng Banana cue na inilalako. Napatitig siya sa binata na nasa garden. Palihim niyang pinakinggan at pinanood ang pag-e-emote nito.

Nagkubli siya sa malagong boggainvilla na nakayungyong sa gate.

“Please, sabihin mo sa aking hindi totoo ang lahat ng ito… mahal kita at mahal mo rin ako, iyon lang ang paniniwalaan ko…” sapo ang noo ng dalawang palad ay tuloy lang sa pag-eemo niya ang binata.

Dahil sa madamdaming pagsasalita ng binata ay tila mauuna pang tumulo ang luha ng dalaga.

Dalang-dala siya sa emosyon nito. Napahigpit pa ang kapit ng isang kamay niya sa gate na rehas. Pero kasabay nang pagpahid sa luhang biglang pumatak mula sa mga mata niya ay bigla siyang na-curious kung sino nga ba ang kinakausap ng lalaki?

Luminga si Julia sa loob ng garden na tila hina­hanap ang kausap ng lalaki. Nang sa muling pagbalik ng tingin niya rito ay nakatingin na ito sa kanya. Sa pagtatama ng kanilang mga mata ay nakaramdam ng kaba si Julia kaya naman bigla siyang tumalilis palayo.

“Wait!” habol ni Dave.

Pero mabilis na nakalayo na ang dalaga. Kakamut-kamot sa ulong dinukot ni Dave ang kodigo mula sa bulsa.

“Ayan, sisimulan ko na naman from the top ang script ko!”

Plano kasi ni Dave na sumali ulit sa audition para sa isang reality t.v. show. At pag-arte naman  ang naisip niyang ipakitang talent. Kadalasan kasi ay pagkanta at pagsayaw ang napipili niya. Bata pa lang siya ay pangarap na niyang maging isang artista at lumaki siyang bahagi na ng buhay niya ang pagsali sa mga auditions, pero sadyang mailap sa kanya ang spotlight ng showbiz. Gayunpaman wala sa bokabularyo niya ang salitang pagsuko, kaya naman sa edad na 19 ay patuloy pa rin siyang sumusubok at umaasa na isang araw ay kikinang rin ang kanyang  bituin sa mundong pinapangarap niya. Ang mundo ng showbiz.

Habang naglalakad naman sa daan ay naiisip pa rin ni Julia ang binata.

“Nakakainis, bakit ba’ko tumunganga at nag-pa-carried away sa broken hearted na ‘yon… kahit gaano pa kabigat ang nararamdaman niya, hindi lang naman siya ang broken hearted, halos lahat du’n sa area namin may mas malala pang problemang puso kaysa sa kanya…” sa isip ng dalaga.

Busy si Julia sa pagtulong sa nanay niya sa pag­luluto ng mga Bananacue. Ito ang ikinabubuhay ng pamilya nila. Isang negosyo na minana pa nila sa lola Betina niya. Kapag naluto na ang mga Bananacue ay magkaiba na sila ng destinasyong tinatahak ng nanay niya para itinda ang mga ito. Si Aling Osang sa palengke habang siya naman ay sa isang subdivision na malapit lang sa squatter’s area na tinitirhan nila sa Maynila.

“O Julia, kapag hindi naubos alam mo na ang diskarte ha?” paalala ng ina habang inaayos ang mga Bananacue sa bilao.

“Si nanay talaga, ang tagal-tagal na natin sa negosyong ito pero hindi ka pa rin po nakakalimot sa pagpapaalala! Opo, kapag hindi naubos sa lako, dadalhin ko sa sugalan ni ka Iska at ipapautang sa mga parokyano niya!” nakangiting sabi ni Julia.

“E mabuti na ‘yon kaysa ikaw pa ang makalimot diba? O sige na, lumakad ka na at lalakad na rin ako!”

Sa edad na 19 ay sanay na sanay na si Julia sa pasikut-sikot ng buhay nila. Nakapag-enroll siya dati sa HRM pero hindi pa niya natapos ang kursong ito dahil sa kakapusan sa pera. (Itutuloy)