‘Auring’ naka-4 bago kumalma

By
34

Matapos ang apat na landfall ng bagyong ‘Auring’ sa Visayas, isa na lamang itong low pressure area (LPA) o sama ng panahon, pero magdadala pa rin ito ng malakas na pag-ulan sa Bicol Region at Samar.

Sa inilabas na final severe weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), binawi na ang nakataas na storm warning signal sa lahat ng panig ng bansa.

Si Auring na isa na lamang LPA ay huling namataan sa 40 kilometers East ng Mactan City sa Cebu.

Noong Linggo, tatlong beses nag-landfall ang bagyo – una ay sa Siargao, Surigao del Norte alas-tres ng hapon; ikalawa sa Dinagat Province, alas-kwatro ng hapon at ang ikatlo ay sa Paraon Island, Southern Leyte bandang alas-sais ng gabi.

Ang huling pagtama sa lupa ng mata ng bagyong Auring ay kahapon ng madaling-araw sa Ubay, Bohol.

Bagama’t tinanggal na sa kategorya ng bagyo si Auring, ibinabala pa rin ng PAGASA ang pagbaha at landslides sa Bicol Region at Samar dahil sa malakas na buhos ng ulan dala ng LPA.

Mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan naman ang mararanasan sa CALABARZON, Mindoro, Marinduque at Romblon.


SHARE