Alaga ka ng PhilHealth: Ang pagbabalik-tanaw

By
105

Noong 2011, ang mala­king bahagi ng pagiging kasapi sa PhilHealth ay mula sa boluntaryong paghuhulog ng kontribusyon ng miyembro. Kasama dito ay ang mga Pilipinong walang regular na trabaho at mga Senior Citizens na hindi pa kwalipikadong ma­ging Lifetime members ng National Health Insurance Program (NHIP).

Dahil dito hindi mapalawig ang suporta ng PhilHealth sa mga mas nangangaila­ngan.

Noon pa ma’y ang pangunahing pakay ng Programa ay masama lahat ng Pilipino sa ilalim ng NHIP. Layunin ng programa na mabigyan ng oportunidad ang mga miyembro nito na magkaroon ng tulay upang makamit ang mga serbisyong medikal sa oras ng pangangailangan, saan man silang bahagi ng mundo.

Ayon sa aming datos noong Setyembre 2016, ang bilang ng Pilipino na nasa ilalim ng Programa ay 93 milyon na. Ibig sabihin, siyam sa bawa’t sampung Pilipino ay makagagamit na ng PhilHealth sa 1,201 na ospital sa buong bansa. Ang PhilHealth naman ay nagbabayad ng P1.8 bilyong halaga ng benepisyo sa mga miyembro nito kada linggo at ayon sa datos ng Nobyembre 2016, nakabayad na ang PhilHealth ng P92Bil­yon.

Sa usapin naman ng pagpapatupad ng No Ba­lance Billing policy kung saan wala nang babayaran pang karagdagang halaga ang mga kwalipikadong miyembrong higit sa sagot ng PhilHealth, nasa 66 porsiyento na ng mga ospital ay tumutupad na sa polisiyang ito, mula sa pitong porsiyento lamang noong 2013, kung kaya’t ang halaga ng suporta ng Programa sa gastusing pang-medikal ng bawat Pilipino ay nasa 56 porsiyento na.

Maraming nagawa ang PhilHealth sa taong 2016, mula sa pagpapalawak ng mga benepisyo, sa pagpapabuti pa ng paglilingkod-bayan, sa pagpapadali ng mga proseso sa pagbabayad ng prima at iba pa.

Subalit marami pa rin tayong dapat pagtuunan ng pansin, tulad ng pagpapalawak ng access points sa mga serbisyong transaksyunal at impormasyon, pagpapalawak pa ng Primary Care Package, inpatient at catastrophic care packages, pagpapabuti ng proseso ng pagbabayad sa ospital, ang patuloy na pag-aaral ng halaga ng mga case rates at ang pagtutok sa mga tiwaling gawain ng ilan sa ating mga partner sa pagpapatupad ng programa lalung-lalo na sa pagpapaabot ng impormasyon sa mga miyembro higit sa kanilang karapatan at benepisyo kasama ang kanilang responsibilidad na panatilihing updated ang record at tuluy-tuloy ang pagbabayad ng kontribusyon.

Sa kinalaunan, mula sa pagpasa ng Sin Tax Law at ng Expanded Senior Citizens Act, hanggang sa pagkakapit-bisig ng lahat ng sektor ng lipunan upang makamit ng sambayanan ang ninanasang Universal Coverage, wala nang Pilipinong maiiwan sa martsa tungo sa mas malusog na Pilipinas.

Panatilihin natin ang magandang estado ng ating kalusugan. Laging tatandaan, alaga kayo ng PhilHealth!

***


Kung may nais ka­yong itanong tungkol sa aming mga programa at serbisyo, mag-e-mail lamang sa actioncenter@philhealth.gov.ph o tumawag sa aming Corporate Action Center sa (02) 441-7442.

Bisitahin din ang aming official social media accounts: www.facebook.com/PhilHealth at ang www.twitter.com/teamphilhealth.


SHARE