51 BUENA-MANO SA ANTI-DISTRACTED DRIVING

By ,

Sa unang araw ng pag-arangkada, nasa 51 motorista ang nahuli ng Metropolitan Manila Development (MMDA) sa pagpapatupad ng Anti Distracted Driving Act (ADD) Law o pagbabawal nang paggamit ng mobile phone o anumang uri ng electronic gadgets habang nagmamaneho.

Dakong alas-sais ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali ay nasa 51 motorista na ang nahuhuli sa pamamagitan ng “No Contact Apprehension” para sa unang araw nang pagpapatupad ng ADD Law.

Ayon sa MMDA, limang bus ang nahuli, 12 ang kotse, 30 ang motorsiklo at 4 ang truck na posibleng tumaas pa ang bilang ng apprehension.

Kahapon ang unang araw nang pagpapatupad ng ADD Law o pagbabawal sa mga motorista na paggamit ng cellphone at anumang electronic gadgets habang nagmamaneho.

Ayon sa mga nahuli, hindi umano nila alam na ipinatutupad na ang nasabing batas o kulang pa umano ang public information para dito.

Samantala, hihingi ng ayuda ang Department of Transportation (DOTr) sa mga local government units (LGUs) para sa pagpapatupad ng Anti-Distracted Driving Act, na nagbabawal sa paggamit ng cellphone at iba pang gadgets, habang nagmamaneho.

Sinabi ni Transportation Assistant Secretary Mark de Leon na kailangan nila ang tulong ng mga LGUs upang higit na maging epektibo ang pagpapatupad ng batas.

Paliwanag ng opisyal, hindi lamang sila ang dapat na magtrabaho sa ilalim ng naturang batas, kundi maging ang mga traffic enforcers ng mga LGUs.

Sinabi pa niya na walang exemption sa batas kahit pa kahapon lamang ito sinimulang ipinatupad.

Hindi din maaaring ikatwiran ng mga motorista na hindi pa nila alam ang naturang batas dahil nailathala na ito sa mga pahayagan, at naibalita na rin sa mga radyo at telebisyon.


Tuluy-tuloy pa rin naman ang pagsasagawa ng ahensya ng information campaign sa loob ng tatlong buwan upang mabigyan ng sapat na impormasyon hinggil sa bagong batas ang publiko.

SHARE