300 biktima ng rent-tangay, lumantad

By
502

Nagtipun-tipon kahapon ang daan-daang residente ng San Ildefonso, Bulacan upang makahingi ng legal assistance at tulong sa pamahalaang-bayan at lokal na pulisya upang mabawi ang mahigit tatlong-daang mga sasakyan na karamihan ay luxury car matapos mabiktima ng rent-a-car scam o rent-sangla na sinasabing nakatangay ng libu-libong sasakyan sa Metro Manila at kalapit-probinsya.

Ayon kay San Ildefonso Mayor Carla Galvez-Tan, nakatakdang tumulong ang kanyang tanggapan sa kanyang mga constituents na nabiktima ng  motor vehicle investment scam kung saan marami sa naengganyo ay mga magsasakang napilitang magbenta o magsangla ng kanilang lupang, nagbenta ng kanilang palay o isugal ang kanilang matagal nang ipon para kagatin ang alok ng tatlo kataong miyembro ng sindikato ng rent-sangla.

Sinabi ng mga biktima kay Mayor Galvez-Tan na nahikayat silang magbenta ng ari-arian para maipambili o makakuha ng hulugang sasakyan para ipagkatiwala sa mga suspek na kinabibilangan ni Rafaela Anunciacion, Lea Constantino at ang utak ng scam na si Tychicus Historillo Nambio dahil sa malaking kikitain na P30,000 hanggang P40,000 kada buwan.

Lumilitaw na malaking porsiyento ng mga nata­ngay na sasakyan sa munisipalidad ng San Ildefonso ay naisangla naman sa CALABARZON partikular sa lalawigan ng Cavite at Laguna at dito nila hiningi ang tulong ni Mayor Galvez-Tan na nangakong  gagawin ang lahat  para matulungan ang  mga kababayan  na naging biktima.

Umaabot sa libu-libong sasakyan sa tatlong lungsod at 21 bayan sa Bulacan ang natangay at nabiktima ng nasabing sindikato.


SHARE