2 dinampot sa masaker sa dagat

By ,
76

ZAMBOANGA CITY — Dalawang la­laki ang iniimbestigahan umano ng pulisya kaugnay sa masaker sa 8 Kristiyanong mangingisda sa karagatan ng Zamboanga City sa Mindanao.

Ayon sa pulisya, ina­alam ng mga imbestigador kung may kaugna­yan ang dalawa sa karumal-dumal na krimen na naganap nitong Lunes ng gabi kung saan pitong mga mangingisda na pawang mga Muslim ang pinakawalan ng mga pirata.

Nabatid na isa sa mga iniimbestigahan ay ini­reklamo na rin noon ng mga mangingisda na umano’y nangingikil sa kanila. Isa ang extortion sa mga motibong sinisipat ng pulisya.

Nakunan na rin ng pulisya ng pahayag ang mga nakaligtas, ngunit hindi naman sinabi ng mga imbestigador kung positibong nakilala ng mga ito ang dalawa na kabilang sa mga pirate. Nagluluksa naman ngayon ang pa­milya ng mga pinaslang at humingi ng hustisya sa sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay.

Samantala, kinukumpirma na ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang posibi­lidad na ‘rido’ o away ng mga magkakamag-anak ang naganap na pamamaril at pagkamatay ng walo katao sa karagatang sakop ng Laud, Siromon, Brgy. Dita, Zamboanga City noong Lunes.

Ayon kay AFP Spokesperson Brig. Gen. Restituto Padilla, sa impormasyong nakuha ng AFP, awayan umano ng mga pamilya na pawang ma­ngingisda na naninirahan sa baybayin ng Brgy. Dita at Curuan ang posibleng dahilan ng krimen.


SHARE